PATULOY ang pagpatay sa mga mamamahayag kahit ngayong nasa puwesto na si Pres. Rodrigo Duterte. Maraming nag-akala na sa panahon ni Duterte, na hayagan ang matinding pakikibaka laban sa illegal drugs, ay matitiil na ang mga pagpatay. Pero patuloy pa rin pala. Noong nakaraang linggo, isang mamamahayg sa Catanduanes ang itinumba ng lalaking nakamotorsiklo. Nakilala ang mamamahayag na si Larry Que, kulumnista ng lokal na pahayagan sa Catanduanes. Si Que ang unang mamamahayag na pinatay sa ilalim ng Duterte administration.
Sabi ni Justice secretary Vitaliano Aguirre III, inatasan na niya ang National Bureau of Investigation (NBI) para lutasin ang pagpatay kay Que. Ayon sa report, ang mga batikos ni Que sa kanyang column ang dahilan ng pagpatay. Binabatikos umano nito ang mga pinuno sa lalawigan dahil sa mabagal na aksiyon sa paglaganap ng droga. Wala umanong ginagawang hakbang ang mga pinuno.
Dapat malutas agad ang kasong ito lalo pa’t nangako si Duterte na bubuksan ang mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag. Malaki ang asam ng mga naulila ng mamamahayag na magkakaroon ng hustisya ang pagkamatay.
Ikalawa ang Pilipinas sa mga pinaka-mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Nangunguna ang Iraq, ikatlo ang Syria, ikaapat ang Pakistan at ikalima ang Russia. Mula 1986 na nakalaya sa diktaduryang Marcos ang mga Pilipino, 175 na mamamahayag na ang pinapatay. At karamihan sa mga pagpatay ay hindi pa nalulutas.
Noong nakaraang taon, sunud-sunod ang pagpatay sa mga mamamahayag. Halos buwan-buwan ay may itinutumba. Ang pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao. Tatlumpong mamamahayag at 28 sibilyan ang minasaker kaugnay sa election.
Tuparin ni Duterte ang pangako. Lutasin ang mga pagpatay sa mamamahayag. Hanapin ang mga utak sa pagpatay at parusahan ang mga ito.