MAY isang konklusyon noon sa isang pag-aaral ng National Astronomical and Space Administration hinggil sa planetang Mars. Manga-nganib umano sa lakas ng radiation sa Mars ang buhay ng sinumang astronaut na yayapak sa kalupaan nito. Malabo ring mabuhay ang anumang organismo o extraterrestial life sa naturang planeta maliban na lang kung nasa loob sila ng isang klase ng shelter sa ilalim ng lupa roon. Ang impormasyong ito ay dagdag pa sa naunang mga datos na nakalap ng robotic spacecraft na ipinadala sa Mars tulad ng makakapal na yelo roon na malabo namang matunaw dahil walang init sa planetang ito Ang radiation daw mula sa araw na bumobomba sa Mars ay mas malakas nang 2.5 ulit kumpara sa tumatama sa low orbit ng Earth. Sinasabi ng mga scientist na isang global magnetic field at katamtamang atmospera lang ang nangangalaga sa Earth laban sa radiation. Hindi tulad sa Mars.
* * *
May mga nauna nang pag-aaral na nagpapahiwatig na nakakasama sa utak ng isang sanggol sa loob ng tiyan ang ultrasound scanning. Maaaring maging kaliwete o utal magsalita o magkaroon ng ibang abnormalidad ang bata. Sa isa pang panibagong eksperimento ng isa pang grupo ng mga scientist sa New Haven, Connecticut (USA) sa pangunguna ni Pasko Rakic ng Yale Medical School, napansin nila ang abnormal na galaw ng ilang elemento sa utak ng mga dagang idinaan nila sa ultrasound. Idinidiin nina Rakic na wala pa silang pruweba na nakakasama ang ultrasound pero ipinapayo niya sa mga magulang na iwasang ipa-scan nang matagal o madalas ang kanilang sanggol matagal para lang makita kung babae o lalake ang kanilang anak. Nabatid na maging ang mga grupong medikal at US Food and Drug Administration ay hindi nagrerekomenda ng pagpapa-ultrasound sa mga sanggol sa loob ng tiyan kung hindi rin lang kailangang-kailangan.
* * *
Ayon sa bagong pananaliksik ng mga scientist ng Dana-Farber Cancer Institute, nakakatulong sa pagpapahaba ng buhay ng mga may sakit na colon cancer ang regular na pag-eehersisyo.