SA mga eksklusibong subdibisyon kung saan ang mga nakatira ay mayayaman, laging mataas ang posibilidad ng pag-atake ng “Dugo-dugo” gang.
Lalo na ngayong “ber” months mas aktibo at agresibo ang mga sindikato. Sinasamantala ang pagiging abala ng gobyerno sa mga proyekto at programa.
Tinawag na “Dugo-dugo” ang modus dahil nagpapakilala silang malapit na kamag-anak ng amo ng kasambahay. Kinukuha ang loob saka bibiktimahin.
Subalit, bago isagawa ang kanilang modus, napag-aralan na nilang mabuti ang numero at background ng potential victims.
Kapado na nila kung ilan at kung sinu-sino ang naiiwang residente sa bahay. Isinasagawa nila ito sa pamamagitan ng telepono.
Tatawagan ang target na kasambahay at sasabihing naaksidente o nadisgrasya ang kanyang amo. Dahil walang pera ang kausap, uutusan ito na kunin ang mga pera o alahas sa pinagtataguan para may magamit kuno sa mga gastusin sa ospital.
Kapag hawak na ng kasambahay ang mga valuable things, bibigyan siya ng mga kawatan ng instruction.
Malalaman na lang ng kasambahay na nabiktima sila ng “Dugo-dugo” kapag nakarating na ng bahay ang kaniyang amo, ligtas at walang anumang galos.
Muling pinapaalalahanan ng BITAG ang publiko partikular ang mga namamasukan, ‘wag basta-basta makikipag-usap sa telepono. Maging paladuda sa mga estrangherong nagtatanong sa kabilang linya.
Higit sa lahat, upang makaiwas sa ganitong uri ng modus, makabubuting paalalahanan lagi ng amo ang kanyang mga naiiwang tauhan sa bahay. Mas mainam din kung bibigyan na lang ng amo ang mga kasambahay ng sariling telepono na pang-emergency call lang.
Mag-ingat, mag-ingat.
• • • • • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang mga palabas, mag-subscribe sa BITAG OFFICIAL YouTube channel.