KAPAG may kampanya laban sa katiwalian, ipinatutupad ang lifestyle check sa mga opisyal at tauhan ng pamahalaan.
Ngayon ay nagdeklara na si Pres. Rodrigo Duterte ng kampanya laban sa katiwalian sa Bureau of Customs.
Kaya agad nagpahayag ni Finance Secretary Carlos Dominguez na isasailalim daw sa lifestyle check ang mga ahensiya ng gobyerno na sakop niya at isa rito ang Customs.
Matagal na ang ganitong estratehiya na lifestyle check sa mga taga- Customs pero hindi naman natitigil ang katiwalian doon.
Bibihira lang ang may sumasabit sa lifestyle check at karamihan ay nalulusutan ito.
Sana sa pagkakataong ito, maging seryoso at totohanan ang gagawing lifestyle check sa mga opisyal at tauhan ng Customs at iba pang tanggapan ng gobyerno.
Napakadali namang ma-check ang mga korap na opisyal. Gaya nang pag-alam kung ilan ang pag-aari na sasakyan na nakarehistro sa Land Transportation Office (LTO).
Silipin din sa Land Registration Authority (LRA) ang pag-aari na lupain at kabahayan at gayundin sa Bureau of Immigration kung ilang beses nag-a-abroad. Bukod dito, silipin din ang bank accounts sa pamamagitan ng anti-money laundering council (AMLC).
Pero kung hindi magiging seryoso at totohanan ang lifestyle check, magtutuluy-tuloy ang aktibidad ng mga korap na opisyal at tauhan ng gobyerno.