DAPAT nang magising ang gobyerno matapos ang ulat na pagkansela sa pagbili ng Philippine National Police (PNP) ng baril sa US.
Hinarang ni US Senator Ben Cardin ang pagbili ng Pilipinas ng assault rifles dahil na rin sa umano’y paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng kampanya laban sa ilegal na droga.
Bukod dito, nakadagdag sa pagharang sa pagbebenta ng baril ng US sa Pilipinas ay ang patuloy na pagbatikos ni President Duterte kay US President Barack Obama at US State Department.
Hindi ito dapat ipangamba ng mga Pilipino sa halip ay magsilbing panggising mismo sa gobyerno na sa halip na bumili pa ng baril sa ibang bansa ay gumawa na lang ito ng sarili.
Kayang-kaya naman ng Pilipinas na gumawa ng sariling baril at ang bilhin na lang ng gobyerno ay ang mga makabagong kagamitan sa paggawa ng armas.
Maraming Pilipino ang may talento sa paggawa ng baril. Katunayan, marami ang nakakagawa ng baril na tinaguriang “paltik”.
Mas makakatipid pa nga ang Pilipinas kung gagawa ng sarili at hindi na bibili sa US.
Lilikha pa ito ng karagdagang trabaho sa mga Pilipino at kung magiging maayos ang paggawa ay maari pa itong i-export sa ibang bansa na nangangailangan nito na maaring mas mababa ang presyo kumpara sa iba.
Sa halip na ikalungkot at ikadismaya ay ipagsaya pa nga ang pagkanselang ito ng US sa pagbili ng baril. Makakaya naman natin na gumawa ng sarili at kayang tapatan ang produkto ng ibang bansa.