KUMALAT ang isang video sa Youtube kamakailan na nagpapakita ng pagmulat ng isang santang namatay 300 taon na ang nakakaraan.
Ang video ay kuha ng isa sa mga turistang bumibisita sa Cathedral ng Guadalajara na nasa Jalisco City, Mexico.
Sa nasabing cathedral matatagpuan ang bangkay ni Santa Inocencia na nakapreserba sa wax at nasa loob ng isang salamin na kabaong.
Makikita sa video na bigla na lang nagmulat ang mga mata ng Santa na tumingin pa ng diretso sa camera.
Ipinost ang video sa Youtube kung saan halos isang milyon na ang views nito.
Marami naman ang hindi naniniwala na totoong nagmulat ang mga mata ng Santa. Kaduda-duda raw kasi ang kalidad ng camera na ginamit at ang posisyon ng pagkuha kaya malamang na peke raw ang pangyayari.
Ayon sa mga matatandang kuwento sa lugar, isang bata raw si Sta. Inocencia na pinagbawalan ng kanyang ama na maging Katoliko. Sinuway siya ni Sta. Inocencia kaya sinaksak niya ito at ikinamatay.
Dinala ng taumbayan ang bangkay ni Sta. Inocencia sa cathedral kung saan ito nakalagak hanggang ngayon.