SABIK na sabik si JP habang nakasakay sa kalabaw at pumapasyal sa kanilang bukid. Lumawak na ang kanilang bukid sapagkat nabili na pala nila ang mga katabing lupa, ayon sa kanyang itay. Mahusay humawak ng pera ang kanyang itay at inay sapagkat lahat nang ipinadadala niyang pera noong hindi pa siya sugapa sa shabu ay ibinili lahat ng ari-arian. Napabuntunghininga si JP nang maisip iyon. Kung hindi siya naging addict sa shabu, baka mas marami pa silang nabiling ari-arian. Pero ipinagpapasalamat na rin niya na mayroon siyang mga magulang na masinop sa pera.
Napakasarap ng pakiramdam sa katawan ng malamig na hangin. Talagang walang katulad ang hangin dito sa probinsiya kaysa Maynila. Muling binalikan ni JP ang nakaraan na wala siyang ginawa kundi abusuhin ang sarili. Siguro’y nangyari iyon sa kanya dahil na rin sa sobrang tiwala sa sarili. Parang sobra-sobra na ang kanyang naabot na tagumpay. Dahil sikat na sikat, akala niya’y panghabambuhay na iyon. Hindi na niya naisip na wala namang permanente sa mundo. Akala niya walang pagkupas ang kasikatan.
Ang isa pa ring masama sa ugali niya, hindi siya marunong kumilala sa taong nagmamalasakit sa kanya --- walang iba kundi si Maricel. Napakabait ni Maricel sa kanya pero ano ang ginawa niya? Hindi niya ito pinansin noong puntahan siya sa condo. Binalewala niya ito. Kinawawa niya si Maricel.
Napahinga si JP. Malalim.
Nasaan na kaya si Maricel? Mula nang isnabin niya ito ay hindi na nagpakita.
Baka mayroon nang asawa si Maricel. Posible iyon. May itsura rin naman si Maricel.
Nanghinayang si JP.
(Itutuloy)