EDITORYAL - Huwag ipagwalambahala ang Zika virus

ANIM na ang nagiging biktima ng Zika virus sa bansa. Ang ika-anim ay isang babae na nasa edad 40, may-asawa at taga-Iloilo. Ayon sa Department of Health (DOH), nakuha ng biktima ang Zika virus nang makagat ng lamok sa kanilang lugar mismo. Dalawang beses umanong tinesting ang ihi ng babae at positibo ito sa Zika virus. Isinagawa pa umano ang testing sa abroad.

Unang nagkaroon ng kaso ng Zika virus sa bansa noong 2012 nang isang 15-anyos na batang lalaki mula sa Cebu ang nagpositibo rito. Nakuha rin umano ang virus sa kanilang lugar sa Cebu.

Ang Zika virus katulad ng dengue ay dinadala ng lamok na Aedes aegypti. Magkahawig din ang sintomas ng Zika virus at dengue gaya ng mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, pagkakaroon ng mga pantal (rashes) sa katawan, pananakit ng ulo, mapupulang mga mata at masakit na kasu-kasuan.

Ang pinakamatinding dulot ng Zika virus ay kapag nakagat ang mga nagdadalantao. Magkakaroon ng neurological disorders at brain malformation ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan. Sa kasalukuyan, marami nang kaso ng Zika virus na naitala sa Latin American countries.

Pinakamataas ang kaso sa Brazil kung  saan, ang mga sinisilang na sanggol ay abnormal ang itsura --- maliit ang ulo at may pinsala ang utak. Kaya may babala sa kababaihan ang mga awtoridad sa Brazil na huwag munang magbubuntis para maiwasan ang pagkakaroon ng abnormal na sanggol. O kung buntis, umiwas sa mga lugar na maraming lamok.

Ang DOH ay patuloy na nagpapaalala sa mamamayan na mag-ingat sa Zika virus. Maging malinis sa kapaligiran para walang matirahan ang mga lamok na may virus. Ang kalinisan ang pangunahing paraan para maiwasan ang mga sakit na hatid ng lamok.

Itapon ang mga basyong lalagyan na naiistakan ng tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok. Huwag bigyang pagkakataon na dumami ang mga lamok na nagdadala ng Zika at dengue. Magtulung-tulong sa paglipol sa mga lamok.

Show comments