ISA-ISANG inilatag ang mga plano para sa bansa. Ilan kaya sa mga gustong ipatupad ni Presumptive President Rodrigo Duterte ang papanigan ng mga tao at alin sa mga ito ang aalmahan nila?
Curfew sa mga bata at kapag may pagala-gala pa sa kalsada na menor de edad paglampas ng alas diyes na hindi kasama ang mga magulang siguradong kulong ang mga magulang.
Paglilimita ng paggamit ng videoke, hanggang alas dose lang ng madaling araw sila papayagan para hindi na makabulahaw ng kapit-bahay.
Pagbibigay ng speed limit sa mga sasakyang bumabaybay sa EDSA para maiwasan ang aksidente.
Kabilang din sa pinaplanong ipatupad ni Presidente Duterte ay ang pagkakaroon ng ‘liquor ban’. Hanggang ala-una na lang sila pwedeng umorder sa mga bar at ang inuman ay hanggang alas dos na lang ng umaga.
Kung gusto niyo daw magsiinuman ng walang sawa ay manatili na lang kayo sa mga bahay ninyo at dun magsaya.
Maraming tao ang napapaaway at napapahamak kapag sinaniban na ng espiritu ng alak. May naaksidente sa pagmamaneho ng lasing at may nakakagawa ng krimen.
Kung magkakaroon ng liquor ban bakit hindi na rin i-ban ang mga liquor commercial. Nagawa ngang matanggal ang commercial sa yosi na isa sa sumisira sa kalusugan ng mga gumagamit nito at maging sa mga nakakalanghap ng usok nito.
Sa dami ng kaso ng mga nagkakasakit dahil dito maging sa pakete ng yosi ay may nakalagay na babala kung anong sakit ang maaari nilang makuha sa paninigarilyo at kasama pa ang litrato ng mga taong napagdaanan na ang karamdamang ito.
Kalimitang mapanood sa commercial ng mga alak na para bang nagpapahiwatig na nakaka-macho ang pag-inom nito. May mga magaganda at seksing babae pa silang isinasama sa mga commercial.
May mensahe silang ipinararating na dahil sa alak ay nagiging lapitin sila ng mga magagandang babae.
Sa telebisyon na maaring mapanood ng mga bata, maitatanim sa kanilang isipan na tama ang uminom ng alak.
Ang masama nito mga menor-de-edad ang mas mabilis mautong subukan ito, lalake man o babae.
Hindi alak ang nakakapagpatapang sa isang lalaki o sa isang tao. May kasabihan nga tayo na ang alak ay dapat ilagay sa tiyan at huwag sa ulo.
Tulad ng mga sigarilyo na bagama’t hindi na mapapanood ang kanilang mga patalastas sa telebisyon, may mga tumatangkilik pa din dito. Sa alak naman alisin na din ito upang hindi na makaeengganyo pa ng mga kabataang nagsisimula pa lang tumikim nito.
Magandang puntos din ang paglilimita ng mga oras tungkol sa pag-inom sa labas. Ang tanong hindi kaya aalma ang mga may-ari ng bars at ilan pang nagtitinda ng alak sa balak na ito ni Presidente Duterte?
Hindi nakakadagdag ng tapang at lakas ang alak. Sisira lang ito sa iyong sistema kapag nasobrahan ka at magiging daan para mapahamak at malagay sa alanganin ang buhay ng mga nasa ilalim ng espiritu nito.
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.