TAPOS na ang eleksyon. Nasa balikat na ngayon ni President-elect Rody Duterte ang pagpili sa mga bubuo sa kanyang Gabinete.
Simula nakaraang linggo, may ilan nang inilutang na pangalan ang kanyang search committee. Ilan sa mga ito dati nang nanilbihan sa gobyerno, ang ilan bagong mukhang uupo palang sa pamahalaan.
Hindi ko papangunahan at ayaw kong pangunahan anuman ang plano ni Duterte sa kanyang anim na taong termino. Masyado pang maaga at wala pa sa lugar para magkomento.
Naniniwala ako sa kakayahan ni President Duterte lalo na sa pagpili ng kanyang mga Gabinete.
‘Di tulad ng ibang mga nagbibigay ng tiglilima-singko nilang pananaw. Hindi pa nga nakakaupo ang bagong pangulo, kung anu-anong teorya na ang ibinibenta sa publiko.
Magmumukha na akong sirang plaka dito, sana lang sinuman ang mga mapipili ng kaniyang search committee na may basbas mismo ni Digong para maninilbihan sa mga “boss” may sapat na kaalaman at kakayahan.
May maayos at magandang track record ng panunungkulan. Hindi kuwestyunable ang integridad. Malinis ang pangalan. Mula sa academic record, moral record at leadership record.
Ayokong sakyan ang mga ‘kiyaw-kiyaw’ ng ilang mga nagmamagaling sa hanay namin sa media at ng ilang mga eksperto.
Baka daw wala ring pinagkaiba sa Aquino administration si Duterte. Wala nga raw literal na “KKK” pero parang may mga kaparehong isyu na iniuugnay.
Lahat naman tayo gusto ng pagbabago. Sino ba naman ang ayaw?
• • • • • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa iba pang episode mag-subscribe sa BITAG YouTube Official channel.