ANG mister ng aking kumare na si Julie ay nag-iisang lalaki sa limang magkakapatid. Biyuda ang kanyang biyenan. Noong binata pa ang kanyang mister, siya ang paborito ng kanyang Mommy. Maayos ang relasyon niya sa mga hipag at biyenan. Ang kanyang biyenan ay nakatira sa isa niyang hipag.
Minsan ay nagkita sila ng kanyang biyenan sa isang wedding ng pinsan ng kanyang mister. Silang tatlo ang nagkukuwentuhan. Out of the blue, biglang isiningit ng kanyang biyenan ang isang request. Sa mister lang niya ito nakatingin. Parang hindi siya nag-e-exist nang sandaling iyon.
Anak, samahan mo ako sa Hongkong.
Simula nang mabiyuda, lagi na itong nagto-tour sa ibang bansa. Kung hindi kaibigan ay mga hipag niya ang kasama. First time nitong niyaya ang anak na lalaki.
O, anong nangyari sa mga friends mo at ako ngayon ang niyayaya mo?
Hindi pa kita nakakasama. Gusto kong ma-experience na makasama ka sa abroad.
Hayaan mo Mommy, titingnan ko muna ang aking schedule.
Awkward ang naging feeling ng aking kumare. Nainis siya sa biyenan. Wala naman silang masamang pinagsamahan pero nabastusan siya sa attitude nito sa kanya. Initsa-pwera siya. Hindi natapos ang pag-uusap ng mag-ina dahil may lumapit sa matanda at may mahalagang itinatanong. Para hindi mahalata ang pagkaasar ng aking kumare, ito ay pumunta sa comfort room at doon nag-palipas ng negative feeling na idinulot ng biyenan.
Kaagad akong tinawagan ni Kumare at itinanong kung ano ang magandang gawin o sabihin niya sa asawa para hindi na maulit ang awkward moment na nangyari sa kanila.
Ang payo ko, payuhan niya ang kanyang asawa na kausapin nito ang ina nang masinsinan at sabihin nang diretsahan:
Mommy, kung gusto mong ako lang ang imbitahan mo sa pag-a-abroad, huwag mo namang gawin na kaharap si Julie. Kung gagawin sa akin iyon ng aking biyenan o mga bayaw, I’m sure, sasama rin ang loob ko.
Tapos ang istorya.