KUNG ang trabaho mo ay nangangailangan ng ilang oras na pagtayo, marahil ay para sa’yo ang mga naimbentong ‘wearable chairs’ o mga upuang puwedeng isuot upang ikaw ay makakaupo kahit walang upuan.
Magkahiwalay na naimbento ang dalawang klase ng wearable chair sa Japan at sa Switzerland. Inimbento ang Archelis Chair sa Japan para sa mga surgeons na kailangang tumayo ng ilang oras habang may inooperahan. Magiging malaking tulong ang Archelis Chair sa mga surgeon dahil kadalasan ay wala nang lugar para sa mga upuan sa isang masikip na silid na katulad ng isang operating room.
Katulad ng Archelis Chair, ang Chairless Chair na dinebelop sa Switzerland ay para ring leg brace na isinusuot upang makaupo ang may suot nito kahit walang upuan. Ang pinagkaiba lang ng Chairless Chair ay sa halip na para sa mga surgeon ay para sa mga manggagawa sa mga factory ginawa ang wearable na chair na ito mula sa Switzerland.
Ayon kasi sa mga pag-aaral, nagiging mas produktibo ang mga manggagawa kung may pagkakataon silang maupo at makapagpahinga kahit ng ilang segundo lang bawat oras. Makakatulong ang Chairless Chair dahil hindi na kailangang magbitbit ng mga manggagawa ng sarili nilang upuan na magpapasikip pa sa assembly line ng mga pabrika.
Hindi lamang sa mga may trabahong nangangailangan ng matagalang pagtayo ang mga produktong katulad ng Archelis Chair at Chairless Chair dahil ayon sa mga pag-aaral ay nakakabuti sa kalusugan ng sinuman ang pagkakaroon ng pagkakataong maupo at makapagpahinga ng kahit ng ilang segundo lang bawat oras.