HALOS lahat ng mga pulitiko ay epal!
Ang pinagtutuunan ngayon ng pansin ng Commission on Elections (Comelec) para iwasan ang pagpapaskil ng naglalakihang mga ‘tarpaulin’ at litrato ng mga kandidato sa kung saan-saang lugar sa ating bayan. Nagmukha tuloy isang malaking album ang ating bansa.
Tinawag nilang ‘Shame Campaign’ ang bago nilang ipapatupad sa mga tatakbo sa darating na eleksyon.
Sus! Wala ba kayong ‘originality?’ Ginamit na ito ni dating Manila Mayor Alfredo Lim ng lagyan ng pulang pintura ang mga pintuan ng mga ‘pushers’ at krus pa ang ipininta. Kinwestyon ito sa Korte Suprema at nagdesisyon ang pinakamataas na hukuman na ito daw ay ‘unconstitutional’.
Naniniwala rin ako na kailangan ang tulong ng mamamayan para maging matagumpay ang kampanyang ito. Tanong ko naman pakikinggan ba tayo ng COMELEC at papatawan ng parusa ang mga lumalabag sa kanilang batas?
Baka naman mamili lang sila kung sino ang hahabulin at yung iba naman ay basta palusutin na lang.
Ang ‘social networking sites’ tulad ng ‘Facebook at Twitter’ ang maaari nilang gamitin. May sarili ng page ang Comelec dito.
Sa lahat ng magre-report kailangan niyo lang kompletuhin ang detalye para agad itong maaksyonan.
Tatlong ‘violations’ daw ang dapat iwasan. Una, ang paglalagay ng mga tarpaulin ng mga pagmumukha nila o pangalan sa mga puno, halaman at iba pang lugar na labas sa ibinigay ng Comelec na pwedeng ipaskil ang kanilang mga campaign materials.
Tuwing eleksyon dagdag kalat lang ang mga nagliliparang materyales ng mga politiko. Ipinagbabawal ang sobrang paggamit ng plastic at ng ‘unrecyclable materials’. Ganun din ang pagtatapon nito kung saan-saan.
May pagkakataon pa ba pagkalabas mo ng bahay ay may mukha na ng politiko ang nakapinta o nakadikit sa gate mo na hindi man lang humingi ng pahintulot sa may-ari ng bahay. Isa din ito sa dapat iwasang gawin ng mga kandidato.
Yung mga pagmumukha at pangalan ng kandidato na nakalagay sa mga overpass at mga ‘waiting shed’ na umano’y proyekto nila dapat binubura na yan dahil isang uri ito ng pangangampanya.
Lahat ng lumabag ay paparusahan ng hanggang anim na taong pagkakakulong, pagkatanggal ng karapatang bumoto at ma-diskwalipika sa paghawak ng public office.
Ipinatatanggal din ng Comelec ang lahat ng propaganda materials na inilagay ng mga tatakbo sa national positions dahil magsisimula pa lang ang opisyal na panahon ng pangangampanya. Nakasaad ito sa Comelec Resolution No. 10049.
Hindi na din makakalusot ang mga kulay ng bawat kandidato na wala ngang mga pangalan nila alam naman ng tao na ito ang kulay kung saan sila kilala.
Sa mga batas na inilabas ng Comelec makakapili ka na kung sino ang kandidatong marunong sumunod ng batas at kung sino ang babalewalain lang ito.
Paano mo iboboto ang kandidatong simpleng patakaran lang hindi pa masunod? Makakasiguro ka bang kapag nakaupo na siya sa posisyon ay susundin niya lahat ng naaayon sa Saligang Batas?
Naglipana na ngayon ang dambuhalang mga poster ng mga politiko at maging ng party-list. Limitado na sa 12 by 16 feet at 4 by 6 feet naman sa ‘independent bets’ ang pwede nilang ipagawa kaya’t baklasin na nila ang ga-building nilang mga mukha na nakapaskil sa kalsada.
Ilang kandidato na ba ang nagsimulang maglabas ng kanilang ads sa telebisyon? Halos lahat sila kanya-kanyang drama at istilo makuha lang ang simpatya ng bayan.
Lahat ng mga kandidato at kanilang grupo tutukan din sana nila ng pansin ang mga poster nilang pakalat-kalat at kusa na lang itong pulutin at itapon sa tamang lagayan.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.