BUO sa isip ng mayabang na leon na siya ang King of the jungle. Pero ang problema—kagaya ba ng iniisip niya ang iniisip ng mga hayop sa gubat na siya ang King of the jungle? Baka nga naman “feeling” lang niya na siya ang hari. Upang makatiyak, isa-isa niyang tinanong ang bawat hayop na makasalubong sa daan.
Nakasalubong niya si Rabbit at buong pagmamalaki niyang tinanong ito, “ Sino ang king of the jungle?”.
“Siyempre, ikaw kamahalan” sagot ng rabbit
Nakasalubong si Usa at tinanong niya ito nang pasigaw, “Sino ang king of the jungle?”
“Mayroon pa bang iba? Siyempre ikaw ‘yun, sir” sagot ng nahihintakutang usa.
Nakasalubong niya ang giraffe at tinanong niya ito nang paungol, “Sino ang king of the jungle?”
“I-ikaw po…ikaw po lamang mahal na hari” sabay karipas ng takbo na nerbiyosong giraffe.
Lalong naramdaman ni Leon ang pagiging superior niya sa mga kasamahang hayop sa gubat kaya naghanap pa siya ng matatanong. Nadaanan niyang busy sa paghahanap ng pagkain ang isang elepante na may ngusong six feet ang haba. Nguso pa lang iyon kaya maiimadyin ninyo kung gaano kalaki ang katawan ng elepante.
“Hoy!” sigaw ng leon, “Sino ang king of the jungle?”
Lumingon ang elepante. Naasar ito dahil inabala siya ng mayabang na leon sa paghahanap ng pagkain. Sumigaw ka na sa lasing huwag lang sa naghahanap ng pagkain. Walang sabi-sabi, binuhat ng nguso ng elepante ang mayabang na leon at inihagis nang paulit-ulit sa apat na sulok ng gubat.
Nang magsawa ang elepante sa kahahagis, katal na katal sa takot ang leon. Kahit nanghihina ay nakuha pa nitong magsalita, “Kaibigang elepante, okey lang kung hindi mo alam ang sagot. Hindi naman ako nagagalit. At saka pramis, hindi na kita tatanungin.”