May isang mahirap na ama

MAY isang taxi driver na isang kahig, isang tuka lamang ang takbo ng buhay. Tatlo ang kanyang anak. Magulo ang isip niya nang araw na iyon dahil magpapasukan na ay wala pa siyang pera para pang-enrol ng kanyang panganay na noon ay nasa ikalawang taon ng kursong Civil Engineering. Sabi ng kanyang mga kamag-anak, “Sa kagaya nating mahihirap, ayos lang na mapag-aral ang mga anak hanggang high school. Kung gusto nilang mag-kolehiyo, aba, sila na ang gumawa ng paraan!” Tutol ang taxi driver sa ganoong katwiran. Hindi dapat nililimitahan ng isang magulang ang pagsisilbi sa kanyang mga anak, mayaman ka man o mahirap na magulang.

Nasa kalagitnaan siya ng pagpapatakbo sa kahabaan ng Aurora Boulevard nang makadama siya ng antok. Sinulyapan niya ang kanyang relo: alas dos ng madaling araw. Naisip niyang umidlip sandali. Tamang-tama na madadaanan niya sa kalyeng nabanggit ang gasoline station na pag-aari  ng kompanya ng taksing minamaneho niya. Bukas ang gasolinahan ng 24 oras. Doon niya itatabi ang kanyang taksi at matutulog siya kahit isang oras lang dahil kakilala niya ang mga tauhan ng gasoline station.

Malayo pa ay tanaw na niya ang gasoline station. Napansin niyang tila madilim ang paligid ng gasolinahan. Isang bumbilya lang ang nakabukas. Nang ilang metro na lang ang layo niya ay may dalawang lalaking nakatakip ang mukha na mabilis lumabas sa kuwarto ng kahera pagkatapos ng isang malakas na putok at sigaw ng babae. Hinawakan ng taxi driver ang kanyang manibela nang buong higpit at pinaharurot ang taksi patungo sa dalawang lalaking nakamaskara. Sapul! Sabay niyang nabundol ang dalawang lalaki na tumilapon sa salaming dinding ng kuwarto ng kahera. Pero ang malungkot bago mabundol ang dalawang lalaki ay naiputok nito ang baril diretso sa ulo ng taxi driver. Bago malagutan ng hininga ay naibulong pa nito sa kahera ng gasolinahan ang mga salitang: “ang mga anak ko…walang perang pang-enrol, ihingi mo kay boss ng tulong.”

Hindi namatay ang mga holdaper pero nahuli sila ng mga pulis. Ang kawawang driver ang namatay dahil sa pagpapakabayani. Ang kompanya ng taxi driver ang sumagot sa pagpapaaral ng kanyang tatlong anak hanggang kolehiyo. Ngayon, pulos successful na ang kanyang mga anak.

Show comments