MADALAS mapakinggan ng publiko ang katagang “in aid of legislation” mula sa mga senador at kongresista kapag naghain ng resolusyon para mag-imbestiga.
Ang mga puntirya ng imbestigasyon ay ang mga sumisingaw na eskandalo o anomalya na kinasasangkutan ng opisyal at pondo ng gobyerno.
Sa umpisa ng imbestigasyon ay ganadung-ganado ang mga senador o kongresista sa pagtatanong at paggisa sa mga resource person na para bang guilty na sa kaso.
Lalong agresibo ang karamihang mambabatas kapag mayroong full media coverage dahil talaga namang matinding publicity ang makukuha ng mga pulitiko.
Pero sa napakaraming imbestigasyon at pagdinig sa Senado o Kamara de Representante kapag humupa na ang isyu ay nanlalamig na ang mga mambabatas.
Tila nagka-amnesia na ang mga mambabatas at nakalimutan na ang kanilang pangako na babalangkas ng batas batay sa mga lumitaw na ebidensiya at resulta ng pagdinig.
Isang halimbawa ay ang kakatapos na imbestigasyon ng Senado mga alegasyon laban kay Vice President Jejomar Binay na nakapagsagawa ng 25 pagdinig ang senate blue ribbon sub committee.
Kahapon ay tinapos na ang imbestigasyon at nangako ang sub committee na pinamumunuan ni Senator Koko Pimentel na ilalabas ang committee report bago matapos ang sesyon at mag-adjourn ang Kongreso kaugnay ng idadaos na 2016 national elections.
Pero wala tayong narinig kung anong panukalang batas ang ihahain at aaprubahan ng mga senador.
Maging sa mga naunang imbstigasyon ng Senado at Kamara noon pa tulad sa isyu ng jueteng ay wala rin namang naisabatas upang pigilan ang iligal na sugal na ito at sa halip ay nanatili pa rin ang operasyon na pinaniniwalaang patuloy na pinagkakakitaan ng ilang tiwaling opisyal.
Isang malinaw na indikasyon ito na naabuso ng mga senador at kongresista ang katagang in aid of legislation para lamang mag-imbestiga pero wala namang napagtitibay na batas upang mapigilan o masawata ang sinasabing nalantad na anomalya.