Inaantabayan o inaabangan ng marami ang mga gagawing pasabog ni Sen. Juan Ponce Enrile sa muling pagbubukas ng pagdinig kaugnay sa Mamasapano incidents ngayong araw na ito.
Isang taon mula nang maganap ang madugong engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nga nasawi ang 44 SAF troopers, masasabing lumikha ito ng malaking kontrobersiya sa panunungkulan ni Pangulong Noynoy.
Isang taon ang nakalipas, hanggang ngayon ay hustisya pa rin ang isinisigaw ng pamilya at mga kaanak ng nasawing SAF.
Hanggang sa ngayon ay wala pa rin nasasampahan ng kaukulang kaso ukol sa insidente, bagamat marami na ang lumabas na mga pahayag, kabilang pa rito ang resulta ng ginawang pagbusisi ng nilikhang Board of Inquiry (BOI) .
Dahil din sa insidenteng ito, maraming personalidad ang sinasabing naapektuhan sa insidenteng ito, partikular sa panig ng kapulisan.
Siyempre nangunguna na rito si dating PNP chief Allan Purisima na sinasabing sa kabila na suspendido sa pwesto bilang puno ng PNP, eh siyang nagpatakbo sa operasyon kasama ang dating SAF chief na si dating director Getulio Napenas.
Ang noon ay PNP - OIC na si dating Deputy Director Gen. Leonardo Espina na hanggang sa magretiro eh hindi nai-appoint bilang PNP chief.
Ang noon ay CIDG chief, Director Benjamin Magalong na siyang namuno sa itinatag na BOI na sinasabing next contender para maging PNP chief eh, hindi rin nabigyan ng pagkakataon dahil umano sa naging resulta ng imbestigasyon. Ngayon ay chief ng DIDM si Gen. Magalong na nanindigan naman sa naging resulta ng ginawa nilang inquiry kaugnay sa Mamasapano.
Ngayon muling bubusisiin ang insidente, na dito nakaantabay ang marami nating kababayan na naghahangad sa hustisya sa fallen 44.
Ang tanong., matapos ang pagbusisi o paghahain ng mga bagong ebidensya o detalye, makamit na nga kaya ang hustisya o mananatling hanggang balitaktakan lamang ang lahat hanggang sa tuluyang makalimutan ang insidente.