NAGSIMULA na kahapon ang P7.00 na rollback sa pasahe ng jeepney. Pero marami pa ring driver ang hindi sumusunod sa regulasyon at hindi nagbibigay ng tamang sukli. Sa halip na P3 ang sukli sa iniabot na P10 ng pasahero, P2.50 pa rin ang ibinibigay. Ang katwiran ng mga drayber ay wala pang fare matrix na ibinibigay ang Land Transportation, Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Dapat daw magpalabas agad ng fare matrix para meron silang batayan sa minimum fare. Ipapaskel daw nila ang bagong listahan ng pamasahe para hindi malito ang mga pasahero.
May katwiran naman ang mga drayber kaya ang dati pa ring pasahe ang sinusunod pero malinaw naman ang kautusan ng LTFRB na dapat ipatupad na ang P7 na pasahe simula Enero 22.
Ang pag-rollback ng pasahe sa jeepney ay bunga nang sunud-sunod na rollback ng petroleum products. Malaki na ang binawas sa presyo ng gasolinae at diesel mula nang pumasok ang 2016. Ang gasoline ay nasa mahigit P35 ang litro at P27 naman ang diesel. Bumaba rin nang husto ang kerosene.
Malaking tulong sa karaniwang mamamayan ang pag-rollback sa pamasahe sa jeepney. Kung magtutuluy-tuloy ang rollback ng pertroleum pro-ducts, maganda ang pangitain ngayong 2016. Matagal nang nakapako sa P7.50 ang pasahe sa jeepney at ngayon lamang gumalaw.
Dapat namang isunod ng LTFRB ay ang pag-rollback naman ng pasahe sa bus at taxi. Katulad ng jeepney, diesel din ang fuel ng bus kaya malaki na ang kinikita nila dahil sa pagbaba ng presyo nito. Huwag nang patumpik-tumpik ang LTFRB at agad isagawa ang pag-rollback sa pasahe ng bus at taxi at pati na rin mga traysikel.