HINDI na lang dagat ang maaring i-surf. Sa pamamagitan ng isang bagong imbensyon, makakapag-surf na rin ang mga malalakas ang loob sa mga ulap.
Gumawa ang kompanyang Wyp Aviation ng isang klase ng pakpak na tinawag nilang Wingboard. Simple lang ang paggamit ng Wingboard dahil maihahalintulad ito sa wakeboarding na uso ngayon sa mga beach. Ang Wingboard ang tatapakan ng gustong mag-surf sa mga ulap habang hila-hila ng isang eroplano.
Ang 31-taong gulang na flight test engineer na si Aaron Wypyszynski ang nakaimbento ng Wingboard. Nakuha niya ang ideya sa isang karakter ng isang cartoon show na nagsa-surf sa mga ulap habang hila-hila ng eroplano.
Nakagawa na si Aaron ng test run at ngayon ay nanga-ngalap na siya ng pondo upang maipagawa na ang unang batch ng mga Wingboard na ibebenta niya sa publiko. Naniniwala si Aaron na magiging uso ang Wingboarding sakaling marami na ang bumili ng kanyang imbensyon.
Tiwala naman siyang papatok ito dahil tanging sa pamamagitan lamang ng imbensyon niya magagawa ng sinuman ang lumipad kasabay ng isang eroplano. Umaasa rin siyang magiging isang sikat na sport din ang paggamit ng Wingboard ka-tulad ng surfing at wakeboarding.