Onagadori: Mga tandang sa Japan, na ang buntot ay 10 metro ang haba!

MAY isang uri ng tandang sa Japan na kung tawagin ay onagadori. Ang ibig sabihin ng pangalan nito ay “long tailed chicken” dahil sa sobrang haba ng buntot.

Sinasabing ang onagadori ang isa sa mga uri ng manok na may mga pinakamahahabang mga buntot sa buong mundo dahil naglalaro mula sa 12 hanggang 27 talampakan ang haba ng buntot ng mga ito. Nagagawa ng mga onagadori na mapahaba ang mga buntot dahil hindi tulad ng ibang tandang, hindi nalalagasan ng balahibo ang buntot ng mga ito. Hanggang mamatay ang mga onagadori ay tuloy-tuloy lang ang paghaba ng buntot.

Hindi natural ang pagkakaroon ng mga onagadori na sobrang haba ang mga buntot. Nangyari ang paghaba ng buntot ng mga tandang na ito dahil sa tinatawag na selective breeding kung saan ang mga hayop lamang na nagtataglay ng isang katangian ang inaalagaan at pinapalaki ng mga tao.

Nangyari ang selective breeding sa kaso ng onagadori nang naging uso sa mga kawal sa Japan ang paggamit ng mahahabang balahibo ng tandang bilang palamuti sa kanilang helmet at armas. Dahil dito, minabuti ng mga nag-aalaga ng tandang na tanging mga manok na may mga mahahabang buntot lamang ang kanilang aalagaan at palalakihin.

Dahil resulta lamang sila ng selective breeding, ang mga onagadori ay likas lamang sa Japan. Kakaunti na rin ang kanilang bilang na tinatayang hindi lalampas ng 1,000 dahil hindi na naman uso ang balahibo ng tandang bilang palamuti.

Show comments