MAY isang babae na may nalalaman sa pangungulam. Ang mga ninuno niya ay mga albularyo kaya marunong din mangulam. Noong siya ay nasa tamang edad na, lumuwas siya ng Maynila at nag-aral ng cosmetology. Nagtrabaho siya sa isang parlor at nang magtagal ay nagkaroon ng asawa’t anak.
Maraming stress ang nararanasan niya sa parlor at minsan ay napaaway siya sa isang mataray na kostumer. Nasaktan siya dahil nilait ang kanyang pagiging parlorista. Noon lang siya nagalit nang todo. Inipon niya ang buhok na ginupit sa kostumer na nang-away sa kanya. Dinala niya ito sa bahay. Ito ang ginamit niya para kulamin ang kostumer na iyon.
Ilang buwan ang lumipas, nakarating sa kanya ang balita na naparalisado ang kalahating katawan ng babae. Magaling pala itong doktora sa sakit sa puso. Pero huminto na sa panggagamot simula nang magkasakit. Hindi na nito magamit ang kanang kamay sa pag-oopera. Kaibigan pala ito ng may-ari ng parlor na pinagtatrabahuhan niya.
Minsan ay humihingal na sinundo siya ng anak sa parlor. Inatake raw sa puso ang kanyang asawa. Isinugod nila sa pinakamalapit na ospital. Ang diagnosis ay kailangan itong maoperahan sa lalong madaling panahon. Pero sa malas ay wala raw ang pinakamagaling nilang doctor sa puso. May sakit ito at tumigil na sa panggagamot. Ilang saglit lang ay nalagutan ng hininga ang kanyang asawa. Hindi na nahintay na makahanap ng ibang doctor. Ang magaling palang doctor na dapat na mag-oopera sa kanyang asawa ay ang babaeng kinulam niya.