ANG saiga antelope, na isang hayop na kawangis at kamag-anak ng mga usa, ay ang kinikilala bilang isa sa mga hayop na sumisimbolo sa Central Asia kaya madami sa bansang Kazakhstan ang nanlulumo sa misteryosong pagkamatay ng mga ito nitong nakaraang taon.
Natuklasan ang pagkaubos ng mga antelopes sa Kazakhstan noong Mayo ng ecologist na si Steffen Zuther nang puntahan niya at ng kanyang mga kasamahan ang isang grupo ng mga saiga upang i-monitor ang mga ito. Laking gulat niya nang matagpuan ang daan-daan sa mga hayop na nakahandusay sa damuhan at pawang mga patay na.
Noong una ay ipinagwalambahala niya lamang ang kanyang nadatnan dahil minsan na rin itong nangyari noong mga nakaraang taon. Nabahala na siya nang naubos na ang buong grupo ng mga saiga na umaabot sa bilang na 60,000 sa loob lamang ng apat na araw.
Hinihinalang bacteria ang sanhi ng pagkamatay ng mga antelope at maaring naipapasa ito sa gatas ng mga inahing saiga sa kanilang mga anak. Ang hindi pa rin malinaw ay kung bakit biglang nangamatay ang mga saiga gayong karaniwan namang hindi mapaminsala ang bacteria na pinaghihinalaan ng mga siyentista.
Endangered species na ang mga saiga antelopes bago pa ang pangyayaring ito kaya siguradong mas lalo pang uunti ang kanilang bilang matapos silang tamaan ng misteryosong sakit. Hindi lang sa populasyon ng saiga magkakaroon ng epekto ang misteryosong sakit na ito kundi pati na rin sa kalikasan mismo dahil ang mga saiga ang kumakain sa mga damo na maaring pagsimulan ng wildfires kung magiging masyadong madami ang mga ito. Maari ring madamay ang mga predator sa nasabing rehiyon katulad ng mga lobo kung mamamatay ang lahat ng saiga dahil wala na silang mga kakainin.