DAPAT ay maglabas ng polisiya ang gobyerno hinggil sa usapin ng blood money para sa overseas Filipino workers (OFWs) na nahatulan ng kamatayan lalo sa Gitnang Silangan.
Obligasyon ng gobyerno na tulungan ang sinumang OFW na nasangkot sa anumang kaso sa ibayong dagat pero ito ay upang tiyakin na nabigyan ng pagkakataon na maipagtanggol ang kaso at hindi nalabag ang karapatang pantao.
Sa mga kasong pagpatay tulad sa Middle East ay may katumbas itong parusang kamatayan pero ang maaring makasalba sa kanyang buhay ay ang blood money kung pahihintulutan ng pamilya ng biktima.
Aking natalakay ang usaping ito dahil sa pagkakabitay sa OFW na si Joselito Zapanta sa Saudi Arabia dahil sa pagpatay sa isang Sudanese.
Pumayag ang pamilya ng namatayan na magbayad ng blood money si Zapanta na aabot sa P48 million pero P25 milyon lang ang nalikom ng gobyerno.
Dahil dito, nagpasya ang pamilya ng biktima na huwag nang hintayin ang paglikom ng blood money at itinuloy na ang pagbitay.
Pero sa kasong ito ni Zapanta ay dapat magkaroon ng malinaw ng patakaran ang gobyerno kung dapat bang gumastos pa ang gobyerno para sa blood money.
Sa aking pananaw, hindi dapat maglaan ng pondo ang gobyerno sa blood money kung dumaan naman sa tamang proseso ng paglilitis at napatunayang nagkasala sa krimen lalo na ang pagpatay ang ating OFW. Ang tulong na dapat ibigay ng gobyerno ay may hangganan at ito ay sa pagbibigay ng abogado hanggang matapos ang paglilitis.
Kung napatunayang guilty ang OFW at tama ang desisyon ng korte ay hayaan ng gobyerno na pagdusahan ito ng nagkasalang OFW upang magsilbing babala sa lahat at huwag lumitaw na kinunsinti ang nagawang krimen.
Dapat mag-ingat ang mga OFW na masangkot sa krimen na parang dito lang din naman sa Pilipinas na kapag nagkasala sa batas ay dapat na panagutan at pagdusahan.