MULA Disyembre 16 hanggang 25, limang tao na ang tinamaan ng ligaw na bala, ayon sa report ng Philippine National Police (PNP). Naganap ang insidente sa Zamboanga del Norte, Zamboanga City, Sariaya sa Quezon at Bayambang, Pangasinan. Karamihan sa mga biktima ay bata na tinamaan sa tiyan, binti at braso. Ang ilan sa mga biktima ay kalalakihang nakikipag-inuman noong bisperas ng Pasko. Isa ang tinamaan sa hita habang masayang nakikipagkuwentuhan sa kainuman.
Habang sinusulat ang editorial na ito, wala pang nahuhuling suspect sa pagpapaputok ng baril. Maaaring mapabilang ang kaso sa mga malalagim na insidente dahil sa indiscriminate firing. Taun-taon na lamang ay may malalagim na pangyayari at walang ginagawang aksiyon ang PNP kung paano mahuhuli ang mga nagpapaputok ng baril.
Isang halimbawa ng kaso na may kaugnayan sa walang habas na pagpapaputok ng baril ay ang nangyari kay Stephanie Nicole Ella ng Caloocan City noong 2013. Namatay si Stephanie makaraang tamaan ng ligaw na bala. Nanonood si Stephanie at mga pinsan sa fireworks display ilang metro ang layo sa kanilang bahay nang bigla na lamang itong matumba. Nang tingnan nila ang ulo ni Stephanie, may umaagos na dugo roon. Isinugod sa ospital si Nicole pero makaraan ang ilang araw, namatay din ito. Hindi pa nahuhuli ang taong nagpaputok ng baril. Hinala ng mga pulis, tagaroon din sa lugar nina Stephanie ang suspect.
Noong nakaraang taon, 61 ang tinamaan ng ligaw na bala habang nagdiriwang ng Bagong Taon. Karamihan na naman sa mga biktima ay bata. Maski sanggol na nakahiga sa kama ay hindi nakaligtas sa bangis ng ligaw na bala. Gaya nang nangyari sa isang lalaking sanggol sa Caoayan, Ilocos Sur. Ayon sa ina ng bata, nagluluto siya ng kakainin nila sa Bagong Taon, nang may marinig siyang bumagsak sa bubong. Kasunod ay ang pag-iyak ng anak na noon ay katabi sa higaan ang ama. Tinamaan pala ang sanggol. Dinala ito sa ospital sa Vigan subalit namatay din.
Ipinagmalaki naman ng QCPD na nilagyan na nila ng tape ang bunganga ng kanilang baril para hindi maiputok. Dapat pa bang gawin ang ganito para lamang maiwasan na huwag maiputok? Kung may disiplina ang mga pulis, hindi sila magpapaputok ke may tape o wala ang kanilang baril.
Mahalaga ang papel ng mamamayan para mahuli ang mga magpapaputok ng baril sa Bagong Taon. Maging alerto kung ang kapitbahay ay pulis o sundalo. Kapag nagpaputok, isuplong agad ito.