SA nakakalulang presyo nitong $8.5 milyon ay hindi maikakailang ang Astolat Dollhouse Castle sa New York ang pinakamahal na dollhouse sa buong mundo.
Napakamahal ng nasabing dollhouse dahil sa laki nito na aabot sa 9 talampakan ang taas at 800 pounds ang bigat. Sa loob nito ay matatagpuan ang 29 na mga silid kung saan makikita ang maliliit na muwebles na pawang mga mamahalin din. Ang maliit na piano na makikita sa Astolat ay nagkakahalaga ng $7,000 o katumbas ng humigit-kumulang P330,000. Mahal din ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng dollhouse. Gawa sa tanso ang bubong ng Astolat habang ang ilan sa mga muwebles ay gawa sa ginto at pilak.
Ang isa sa mga dahilan kung bakit lubhang hinahangaan ang kakaibang dollhouse na ito ay pagiging lubhang detalyado nito. Makikita ang pagiging detalyado ng dollhouse sa maliit na silid-aklatan sa loob nito kung saan matatagpuan ang mga napakaliliit na mga librong katulad ng Bibliya at ng Torah. Hindi lang pang-disenyo ang maliliit na aklat na mga ito dahil totoong libro ang mga ito na maaring mabasa gamit ang isang magnifying glass.
Ang tula ni Alfred Tennyson ukol sa alamat ng Lady of The Lake ang nagbigay inspirasyon kay Elaine Diehl na gumawa ng isang napakalaking dollhouse. Katulong ang iba’t ibang mga artist ay natapos ni Diehl ang paggawa sa Astolat Dollhouse noong 1987 matapos ang 13 taon na konstruksyon nito.
Ang Astolat Dollhouse ay dating nasa personal na museo ni Diehl sa Arizona bago ito inilipat sa Nassau County Museum sa New York. Paminsan-minsan ay nagkakaroon ito ng exhibition sa mga shopping malls at ang kinikita ng dollhouse ay ibinibigay na donasyon sa mga charities para sa mga kapus-pa-lad na kabataan.