SIYAM na bansa sa mundo ang nananatiling mataas ang HIV-AIDS infection. Ayon sa report ng Joint United Nations Programme on HIV and AIDS (UNAIDS), bumaba ang kaso ng mga nagkakaroon HIV-AIDS ngayong 2015 sa buong mundo, pero tumaas naman sa siyam na bansa at kabilang dito ang Pilipinas.
Ayon sa UNAIDS, bumaba ng 35 percent ang mga nagka-HIV-AIDS infection mula nang tumaas ito noong 2000. Bumaba rin ngayong taon ng 42 percent ang mga namatay dahil sa nasabing sakit mula nang tumaas noong 2004.
Dumadami ang nagkakaroon ng HIV-AIDS infection sa Pilipinas at nagdudulot ito nang pagkabahala. Ayon sa report, naitala ang 6,555 kaso mula Enero hanggang Oktubre ngayong taon. Noong nakaraang taon, 6,011 ang naitalang kaso. Napakabilis dumami ng mga nagkakasakit sapagkat sa loob lamang ng isang taon, lumobo na agad ito at hindi na mapigilan.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang mga nagpopositibo sa HIV-AIDS ay mga kalalakihang nakikipagtalik sa kapwa lalaki. Nasa 80 percent umano ang mga kaso nang pakikipagtalik sa kapwa lalaki. Ayon pa sa DOH, hindi gumagamit ng protection gaya ng condom ang mga nagtatalik. Sumunod na nagpopositibo sa HIV-AIDS ay drug users kung saan nag-iinject sila ng droga gamit ang iisang heringgilya dahilan para magkahawahan.
Malaking factor din sa pagdami ng mga nagkaka-HIV-AIDS ay ang kawalan ng kaalaman sa sakit. Inamin ng isang lalaking nagtatrabaho sa call center at nag-positive sa HIV-AIDS na nahawa siya dahil walang kaalaman sa sakit.
Marami pang Pilipino ang walang nalalaman sa AIDS. Sa kabila na marami nang namatay sa sakit, salat pa rin sila sa inpormasyon. Mangmang pa rin sila dahilan para manganib ang kanilang buhay. Ang pagkilos ng DOH ay nararapat. Paigtingin pa nila ang kampanya laban sa AIDS. Sapat at tamang impormasyon ukol dito ang ipaabot sa mamamayan