ISA na ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na kaso ng HIV infection (Human Immunodeficiency Virus infection). Ang iba pang bansa ay ang Bangladesh, Armenia, Indonesia, Kyrzgstan at Georgia. Kung titingnan ang profiles ng mga naturang bansa, lahat ito ay maituturing na developing countries. Malaki ang papel na ginagampanan ng kahirapan sa pagtaas ng HIV infection.
Marami na rin sa ating kababayan ang nagtatrabaho sa ibang bansa. Malungkot man at hindi dapat, pero kadalasan, dahil sa pangungulila sa pamilyang naiwan, nagkakaroon sila ng pakikipagtalik sa iba. Human Immunodeficiency virus (HIV) ang pangalan ng virus na may dala ng Acquired Immune Deficiency Syndrome (AIDS).
Ang taong HIV-positive ay mga taong nahawa ng HIV virus galing sa isang impektado nito. Mukha pa ring normal ang mga taong HIV-positive. Kaya hindi mo basta-basta malalaman kung titingnan mo lamang ang panlabas nilang hitsura. Sa pagtagal-tagal, kapag ang immune system ng taong nabanggit ay bumagsak na, tinatawag na silang Person with AIDS (PWAs).
Ang tanong, kailan kailangang sumailalim ng HIV testing? Sinu-sino ang mga kandidato rito? Para lang ba sa mga prostitute ang ganitong testing?
May criteria na binuo ang mga health workers para sa mga taong klasipikadong “high-risk para sa HIV infection” at kailangang sumailalim sa HIV testing. Makatutulong kung tahimik mong sasagutin ang mga tanong na ito :
Aktibo ba ang sex life mo at higit sa isang partner ang nakakatalik mo?
Nalilimutan mo ba o ng kapartner mo na gumamit ng condom o anumang proteksyon sa pakikipagtalik?
Tumanggap ka ba ng dugo mula sa isang source na kahina-hinala? Dapat kasi ay madeklara munang HIV-free ang dugong naisalin sa iyo. Dapat ding sterile lahat ang karayom at iba pang gagamitin sa blood donation.
Gumagamit ka ba ng bawal na gamot na iniinject sa pamamagitan ng karayom?
Nagpalagay ka ba ng tattoo? Baka ang nagamit na karayom noong nagta-tattoo ay impekatdo ng HIV virus.
Kung “oo” ang sagot mo sa kahit isa sa mga tanong na ito, makabubuting sumailalim ng HIV testing. Puwedeng magpa-HIV test sa kahit saang pribado o gobyernong ospital na nag-aalok ng HIV testing. May ilang agencies/clinics pa nga na libre ang HIV testing. Huwag matakot sumailalim dito. Confidential naman ito. Pero kailangan munang gawin ang tinatawag na “pre-test counseling” upang maalis ang iyong mga alalahanin tungkol dito at upang mabigyan ka pa rin ng karagdagang impormasyon. Pagkatapos noon, kukuhanan ka ng doktor ng dugo at ipasusuri para sa HIV antibodies. ELISA test ang tawag sa test na ito.
Ngayon, sakaling malaman nilang positibo ka, tatanggap ka ng karagdagang counseling tungkol sa gamutan at mga paraan upang hindi ito maihawa sa iba. Sasailalim ka rin sa laboratory test na gaya ng WESTERN BLOT test para kumpirmahin kung HIV positive nga. 99% accurate kasi ang test na ito.
Hindi lamang para sa mga commercial sex workers ang HIV testing. Ito ay para sa lahat na nagpapahalaga sa kanilang katawan. Marami ng kabataan ngayon ang nagpopositibo sa HIV infection. Kahit mga teenagers ay hindi na puwera sa impeksiyong ito.