MAARING hindi halata ngunit ang ating smartphones ang isa sa mga pinakamaruming gamit natin sa araw-araw.
Kaya naman isang kompanya sa Japan ang nakaimbento ng isang bagong klase ng smartphone na hindi lang maaring mabasa kundi puwede ring hugasan at sabunin na hindi masisira.
Ang smartphone, na tinaguriang Digno Rafre, ay mula sa kompanyang Kyocera. Selyado ang bawat bahagi nito at hinding-hindi mapapasok ng tubig. Soap at water resistant din ang mga parte nito kaya puwedeng-puwedeng hugasan na parang pinggan.
Dahil kailangang selyado sa tubig ay wala itong tradisyunal na speakers at sa halip ay sa nagvi-vibrate nitong screen lumalabas ang tunog.
Matibay rin ito dahil hindi basta-basta nababasag o nagagasgasan ang mga materyales na ginamit sa paggawa ng Digno Rafre.
Sa kasamaang palad, sa Japan pa lamang nabibili ang Digno Rafre at wala pang balak ibenta ang nahuhugasang smartphone na ito sa ibang bansa.