NAMIMINGWIT ngayon ang Commission on Human Rights (CHR).
Nananawagan na lumutang sa mga biktima umano ng extrajudicial killing ng Davao Death Squad (DDS).
Kontrobersyal na isyu na iniuugnay ng CHR kay Mayor Rody Duterte. Akala yata nila may kakagat sa kanilang pain.
Sa estatistika ng Amnesty International Philippine (AIP), 700 ang mga biktima ng DDS. Pinuna ito ni Duterte. Mali raw ang kanilang datus. Hindi daw 700 lang kundi 1,700 lahat ang bilang ng mga napatay.
Ito namang CHR sa tinagal-tagal ng kanilang panunungkulan ngayon lang sila na-ging interesado. Kung kailan malapit na ang eleksyon saka lang sila nag-iingay. Tuloy nakukulayan.
Kaya ang nangyayari, sa halip na magalit ang mga tao sa alkalde, lalo lang siyang nagugustuhan sa kaniyang estilo dahil sa matinding desperasyon ng tao.
Ang hubo’t hubad na katotohanan, may problema sa criminal justice system sa bansa.
Mabagal ang hustisya kaya ang tao umabot na sa puntong desperado. Nanananawa na sa kilos-pagong na usad ng hustisya. Gusto na nila ng ‘Duterte style.’
Kung aanalisahin, delikadong pananaw na ito subalit ito nalang ang nakikitang paraan ng mga tao lalo na ng mga mahihirap para maging ligtas sa masasamang elemento.
Tumatak na sa kanila ang persepsyon na ang CHR na sa tuwing may krimen, parang mas pinapaboran at pino-protektahan pa ang mga kriminal.
Sa pag-aastang ito ng CHR, hindi matiyak kung ang pinagsisilbihan ba nila ay ang kanilang mga patron na naglagay sa kanila sa pwesto o ang tao.
* * *
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.