ANG PASKO ay araw ng pagbubunyi. Araw ng kasiyahan. Subalit kapag naipit ka na sa trapik Merry pa kaya ang Christmas? Ilang oras ang gugugulin mo makarating lang sa pupuntahan.
Ilang kaso na ang nababalitaan natin na nagkakaroon ng ‘road rage’ o nagbabarilan dahil sa init ng ulo. Meron pa nga dyan namumura pati Santo Papa dahil sa sobrang trapik, kaya? Pero bandang huli barado pa rin sila sa trapik.
Habang papalapit ang pasko ay pasikip ng pasikip naman ang mga pangunahing kalsadang dinadaanan ng mga motorista. Iba’t ibang diskarte ang inisip ng mga nasa posisyon para maibsan ang hirap sa kalsada ng mga tao.
Inuna na nila ay ang ‘clearing operation’ sa Mabuhay Lanes. Pinagtatanggal nila ang mga vendors na nasa daan, mga sasakyang nakaparada na sumasakop na sa kalsadang dinadaanan ng mga motorista.
Ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ay ipinatigil na ang ‘public works’ para daw hindi na makaabala pa. Kahit na itigil nila ito may espasyo pa din itong nakakain sa kalsada at ang parteng yun ay hindi pwedeng daanan ng mga sasakyan.
Nahukayan na nila ito at kapag umulan o bumaha siguradong aksidente pa ang aabutin nito.
Pati mga malls ay hinabaan na din nila ang oras para hindi sabay-sabay umuwi ang mga tao.
Ibang diskarte naman ang kanilang inisip, magbubukas daw sila ng Christmas lanes para hindi na dumaan ng EDSA ang ilang bumibiyahe. Idagdag mo pa ang ‘express bus’ na proyekto ng MMDA at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Iminungkahi nilang wag na daw gumamit ng sariling sasakyan at tangkilikin na lang ang express bus. May ilang kumagat pero parang wala namang naging pagbabago sa biyahe.
Mas mahal pa ito sa normal na pamasahe sa ordinaryong bus. Matapos makatanggap ng reklamo binabaan nila ito.
Ang tanong ko lang dito paano mo naman matatawag na express bus ito gayung naiipit sa trapik at nale-late pa din ang mga pasahero. Hindi ba’t nakakadagdag pa sila sa mga sasakyang bumabaybay sa kahabaan ng EDSA?
Kung maayos lang sana ang pamamalakad sa MRT at LRT malaking-malaki ang maiitulong nito para mabawasan ang mga taong magdadala ng kanilang sasakyan.
Kokonti ang bilang ng mga sasakay ng bus at ilang pampasaherong sasakyan. Ang problema ilang taon nang tumatakbo ang MRT at LRT na puro naman aberya.
Kung hindi biglang hihinto ang tren ay may sira naman daw ang riles. Isa sana sa pinakamabilis na uri ng transportasyon ng mga tren dahil walang trapik itong dadaanan at maraming pasahero ang nadadala nito.
Ilang taon na silang nangangako na may binili nang bagong mga tren pero hanggang ngayon kulang pa din ito.
Mababawasan lang nila ang bigat ng trapiko kung pagtatanggalin nila ang mga kolorum na sasakyan at yung hindi rehistrado.
Sa nangyayari tuloy ngayon mukhang totoo nga ang ‘Christmas madness’. Talagang magagalit ka ngayong kapaskuhan dahil sa tagal mong nasa kalsada dahil sa mapang-asar na trapik.
Ang dating ‘Merry Christmas’ kalbaryo na inaabot natin na maaring tawagin ‘Merry Christmas Madness’.
PARA SA ANUMANG REAKSYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.