EDITORYAL – Pagpapatrulya ng kapulisan, doblehin ngayong Kapaskuhan

AKTIBUNG-AKTIBO ang mga masasamang loob ngayong panahon. Wala na silang kinatatakutan. Kahit maliwanag na maliwanag ang sikat ng araw sumasalakay sila. Pinakamatindi ang pambibiktima ng mga riding-in-tandem at walang awang binibiktima ang mga naglalakad na babae at saka aagawin ang bag, backpack o cell phone. Sa tindi nang paghablot sa bag, nakakaladkad ang babae dahilan para magkagalus-galos o magkaba­li-bali ang kanyang katawan. Walang anumang makakatakas ang riding-in-tandem sapagkat walang pulis na nakabantay o nagpapatrulya. Kinabukasan o makalipas ang ilang araw, muli na namang sasa-lakay ang riding-in-tandem. Nakukunan ng CCTV ang pangyayari subalit hindi ito sapat para mahuli ang mga magnanakaw. Pinaka-epektibo ay kung may nagpapatrulyang pulis.

Naaamoy ng mga kawatan na may pera ang mga tao ngayong panahon dahil sa Christmas bonus at 13th month pay. Mas matalas ang kanilang pang-amoy kaysa mga pulis o barangay tanod. At kabisado nila ang mga lugar na walang pulis na nagbabantay.

Minsan ay sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ricardo Marquez na paiigtingin niya ang pagpapatrulya ng mga pulis. Ipag-uutos daw niya ang systematic dispersal ng mga pulis para magpatrulya. Ang mga nasa police stations ay ipapakalat. Naniniwala umano siya na ang pagpapatrulya ay makatutulong nang malaki para maprotektahan ang mamamayan sa mga masasamang loob.

Sabi ni Marquez, “Naroroon pa rin ang takot at agam-agam ng mga magulang tuwing umaalis ng bahay ang kanilang mga mahal sa buhay. Ito ang nais nating baguhin. Gusto nating masiguro na bawa’t anak, kapatid, o kasambahay ay ligtas sa kapahamakan at makakabalik na ng maayos sa kani-kanilang tahanan. Ako’y naniniwala na ang pagpapatrulya ng kapulisan sa mga komunidad ay nagdudulot nang maraming benepisyo.”

Inaasahan namin na tutuparin ni Marquez ang kanyang pangako lalo na sa panahong ito na laganap ang krimen. Kailangan ng mamamayan na makita ang mga pulis sa kalye. Malaking kapanatagan ang kanilang nadarama kung may mga pulis na nagpapatrulya.

Show comments