PANAHON na upang itigil na ang paglalabas sa publiko ng resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS), Pulse Asia at iba pang survey firm.
Ito ay sa dahilang nilalanse nito ang publiko at nililito sa pagpili ng mga kandidatong nais na iboto sa eleksiyon.
Kanya-kanyang mga akusasyon ang ibinabato sa resulta ng mga survey lalo pa’t kung ito ay hindi pabor sa isang kandidato.
Sa pagsasagawa kasi ng survey ay kinokondisyon nito ang mga botante kung sino ang popular samantalang hindi naman ito dapat na gawing batayan para sa pagpili ng matinong kandidato upang maluklok sa puwesto sa gobyerno.
Tulad na lang sa pinakahuling survey ng SWS na kinomisyon ng isang negoyante ay nanguna si Davao City Mayor Rodrigo Duterte sa mga presidential candidates.
Pero may mga nagdududa sa SWS survey na ito na pinangunahan ni Duterte dahil ang tanong daw ay hindi akma kaya naman naging paborable kay Duterte ang resulta ng survey.
Walang masama sa mga survey na ito subalit panahon na upang ipagbawal ang pagsasapubliko nito upang hindi na makagulo sa kaisipan ng mga botante sa kung sino ang kanilang nais na iboto sa 2016 elections.
Puwedeng magpa-survey ang sinumang kandidato para sa kanilang pansariling konsumo pero dapat ay pagbawalang ilantad sa publiko..
Gamitin ng lang ng kandidato ang resulta ng survey para sa pagpapaigiting ng kanilang kampanya at para malaman kung saang lugar sila dapat na tumutok at manligaw nang todo sa mga botante.
Kapag naipatigil na ang paglalabas ng resulta ng survey sa publiko ay magkakaroon ng patas na pagkakataon para sa lahat ng mga kandidato at ang pagpili ng mga botante sa kandidato ay hindi nababatay sa popularidad na resulta ng survey.