Anim na prison guard sa New Bilibid Prison ang isinasailalim umano sa imbestigasyon.
Ito ay matapos ang panibagaong ’Oplan Galugad’ na isinagawa kahapon sa naturang piitan kung saan muling nakakuha ng mga kontrabando kabilang ang mga armas, patalim, ilegal na droga at mga appliances at iba pa.
Nakailang ulit nang sinasalakay ang mga selda sa naturang piitan, ang katunayan ito na ang ika-pitong paggalugad at hindi na yata matapos-tapus ang mga nasasamsam na mga kontrabandong ito.
Mistulang paulit-ulit na lang ang nangyayari.
Baka naman ito at ito rin ang mga nasasamsam sa mga nauna nang pagsalakay.
Sa unang isinagawang ‘Oplan Galugad’, mistulang sa maximum security compound sangkaterbang mga baril at mga bala ang nasamsam na nakabaon mismo sa loob ng mga selda?
Sa mga nasamsam na armas, mistulang may armory na ang mga preso sa loob, ang tanong nga ng marami, bakit nagkakaganito?
At bakit hindi maubos-ubos?
Mahigpit nga ba o sobrang luwag ng seguridad sa pambansang piitan kaya naipapasok ang mga ito.
Ang mas nakakaalarma rito, sa dami ng armas ng mga preso sa loob gaya ng nakumpiska, na tila nga mas marami pa kaysa sa mga prison guard, eh baka nga dumating ang araw mga preso na ang bantay sa loob at sila na ang nagmamando dito.