NGAYON palang nagbibigay babala ang Securities and Exchange Commission (SEC) sa mga gold scam.
Ngayon palang sila naaalarma kung kailan marami ng mga overseas Filipino workers (OFW) at mga alagad ng batas ang nabiktima.
Mga pobreng naengganyong mamuhunan ng pera kapalit umano ng tipak o piraso ng ginto.
Pero ang iniaalok na pirasong ginto hindi pa man aktuwal na nakikita pilit nang pababayaran para maging isa nang investor.
Disimulado ang kanilang panggagago. Para maging kapani-paniwala, magpapakita sila ng mga dokumento at papeles ng ginto. Kung isa kang sakim at naglalaway sa salapi, tiyak madadala ka sa kanilang katarantaduhan.
Hindi pinag-uusapan dito kung tunay, lehitimo o authentic ang gintong ginagamit sa kanilang transaksyon. Ang kwestyunable dito ay ang kanilang pamamaraan o metodolohiya.
Ito dapat ang tutukan ng SEC. Alamin ang marketing scheme ng mga investment company tulad ng mga gold scam at iba pang mga pyramiding company.
Ipakalat ang kanilang mga empleyado para magsagawa ng mga surveillance o pagmamanman para alamin kung sumusunod sa pamantayan ng ahensya ang mga negosyong investment.
Ang problema, tutulog-tulog ang SEC sa pansitan. Kilos-pagong. Saka lang kikilos kapag marami na ang nabiktima.
• • • • • •
Sabagay, ayos na rin ‘yun. Sabi nga ‘huli man daw at magaling, nakakahabol pa rin.’
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.