Guilty ang naging hatol ng Olongapo Regional Trial Court sa kasong homicide kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kaugnay sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude, alyas Jennifer.
Sa ibinabang hatol ni Judge Roline Ginez Jabalde ng Olongapo -RTC Branch 74 makukulong mula 6-12 taon si Pemberton.
Bumaba sa homicide ang isinampang kasong murder la- ban dito, na ikinadismaya ng pamilya ni Laude.
Kasama pa sa naging desisyon, hindi rin pinagbigyan ng korte ang hiling ng pamilya Laude na P100 milyong moral damages sa katwirang sobra umano ito at walang basehan.
Bagamat guilty ang naging verdict kay Pemberton, ngayon naman ang isyu sa kung saan ito ikukulong ang umiinit.
Sa naging hatol kahapon na bagamat ikinokonsiderang “national prisoner “ si Pemberton iniutos ng korte ang pagdadala dito sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.
Gayunman, matapos ang promulgation sa kaso ilang oras pa rin ang nakalipas bago tuluyang nakalabas si Pemberto sa court room.
Ito ay dahil sa iginiit ng kampo nito ang nilalaman ng Visiting Forces Agreement (VFA).
Sa haba-haba nang diskusyon, sa huli hindi rin nadala si Pemberton sa Bilibid kundi sa Camp Aguinaldo.
Kung hanggang kailan siya mananatili doon ay walang makapagsasabi. Ang malinaw lang dito, ang kasunduan sa ilalim sa VFA ang siyang nanaig sa pagdadalhan sa sentensiyadong si Pemberton.
Hindi pa umano dito natatapos ang ipinaglalaban ng pamilya Laude, dahil nahatulan man si Pemberton, mukhang magiging nasa maayos pa rin siyang kalalagyan.
Ito ang kanilang patuloy umanong mamatyagan.