LUMAPIT si Nectar kina Sir Juan at Mahinhin na noon ay nag-uusap sa laundry room. Hawak ni Nectar ang cell phone.
“Sir Juan, mayroon po akong ipakikita sa’yo puwede po ba?’’
‘‘Oo naman, Nectar, ano ba ang ipakikita mo?’’
Pero bago pa nakasagot si Nectar ay nag-ring naman ang cell phone ni Sir Juan. Dinukot niya sa bulsa ang cell phone para sagutin. Ang kapatid niya sa Australia ang tumatawag.
Nag-excuse si Sir Juan kay Nectar para sagutin ang tawag. Lumayo si Sir Juan kina Nectar at Mahinhin para makausap nang maayos ang kapatid.
Naiinis naman si Nectar sa pangyayari sapagkat ipakikita na sana niya ang mga kuhang retrato sa KOLEHIYALA pero nabitin pa. Nabuking na sana ang lihim ni Mahinhin.
“Hi Nectar!’’ bati ni Mahinhin na noon ay nagsasalang ng mga damit sa washing machine.
Hindi sumagot si Nectar. Umingos. Ipinakita na tala-gang inis siya kay Mahinhin.
“Mukhang may mahalaga kang sasabihin kay Sir Juan, Nectar?’’
‘‘Talaga!’’
“Bakit para kang inis sa akin Nectar? May nagawa ba akong mali?’’
Hindi sumagot si Nectar. Nakaingos pa rin.
“Kung may nagawa akong mali, sorry.’’
“Malapit nang mabunyag ang lihim mo!’’
Hindi agad nakapagsalita si Mahinhin. Takang-taka siya.
Isang minuto ang nakalipas bago siya nagtanong kay Nectar.
“Anong lihim?’’
Hindi sumagot si Nectar at biglang umalis.
Lalong nagtaka si Mahinhin.
(Itutuloy)