MARAMI ang nagtataka kung bakit marami na ngayong malalaking hukay (craters) sa Siberia. Sa sobrang laki raw ng hukay ay kaya na itong matanaw sa outer space! Ang pagkakaroon ng mga malalaking hukay sa Russian province ay ikinabahala na ng mga eksperto. Walang makapagbigay ng paliwanag kung bakit nagkaroon nang malalaki at malalalim na hukay sa Siberia.
Nagsimula ang lahat noong 2013 nang ang helicopter pilots ay maispatan ang misteryosong hukay habang lumilipad sa Yamal Region sa Northern Russia.
Makalipas ang ilang araw, isa pang malaki at malalim na hukay ang nakita naman ng reindeer herders. Ilang araw ang nakalipas, isa pang hukay ang natagpuan, di kalayuan sa mga naunang hukay.
Noong nakaraang Pebrero, apat na malalaking hukay ang natagpuan at napapaligiran ito ng lakes o lawa. Sabi ng isang geological expert, maaaring 30 pang craters ang madiskubre sa Siberia.