NASA ilalim ng impluwensiya ng alak si Liann Gae Watson, 45, ng Lake County, Florida nang tumawag sa 911 para magpabili ng chicken wings at sigarilyo.
Nang dumating ang mga pulis sa bahay ni Watson sa Clermont, sinabi nito na lasing na siya kaya tumawag sa 911 para magpabili ng paboritong chicken wings.
Bukod sa chicken wings, nagpapabili na rin ito ng yosi. Hindi raw siya makapag-drive para makabili ng mga iyon dahil lasing siya.
Pagkatapos ay nagtawa ito nang nagtawa at umiyak pa iniimbitahan ng mga pulis para sampahan ng kasong misusing the 911 system.
Pero kahit na nasa police car na si Watson ay nagwawala pa rin ito dahil sa kalasingan. Sinisipa nito ang sariling binti at tinatadyakan ang partition ng police car. Kung anu-ano ang sinasabi nito hanggang magsisigaw nang magsisigaw.
Binalaan siya ng mga pulis para tumigil, pero patuloy pa rin ito. Hanggang sa itali na ito para huwag saktan ang sarili.
Kinasuhan siya at nakalaya makaraang mag-bail ng $1,000.
Isa pang babae sa Florida, tumawag sa 911 para ireklamo na naloko siya sa biniling marijuana
KAKAIBA naman ang kaso ng isa pang babae sa Florida na tumawag din sa 911 para magreklamo.
Ang babae ay nakilalang si Erin Klich, 35 ng Fort Myers. Ayon sa mga pulis, tumawag si Erin sa 911 at galit na nagrereklamo na naloko siya sa biniling bag ng marijuana na nagkakahalaga ng $75. Ayon sa report nagsisisigaw at nagmumura si Erin sa phone. Nalansi raw siya sa biniling marijuana.
Agad nagdispatch ng mga police officers para arestuhin si Erin. Nang dumating ang mga pulis, tila “sabog” sa marijuana ang babae. Kung anu-ano raw ang sinasabi.
Kinasuhan siya dahil sa possession ng marijuana at missusing ng 911 system.