MARAMING sektor ngayon ang nagrereklamo sa idaraos na APEC summit dahil sa mabigat na epekto nito sa halos lahat ng industriya at nakararaming mamamayan.
Ang airline industry ay pangunahing sapol sa APEC summit dahil sa napakaraming kanseladong flights at katumbas ito ng bilyong piso na lugi sa kita.
Maraming mamamayan din ang apektado partikular ang mga pasahero na dapat ay mayroong importanteng biyahe pero naudlot dahil sa pagkansela ng mga flights.
Dami ring mga negosyo ang apektado lalo na sa mga lugar na dadaanan ng mga delegado ng APEC at isinara ang kalsada tulad sa Roxas Blvd.
At kung susumahin ay mas marami yata ang apektado at naperwisyo sa halip na makinabang sa sinasabing bentahe ng APEC summit.
Nawala na rin ang bentahe ng APEC summit sa turismo dahil asahan natin na maraming dayuhang turista, balikbayan at maging OFWS ay nagdadalawang-isip na magkabakasyon sa Pilipinas dahil sa laglag bala.
Naunawaan ko ang mahigpit na seguridad pero sana ay inunawa rin ng gobyerno ang mamamayan na apektado at mapeperwisyo.
Kung napagplanuhan lang nang husto ang APEC summit ay malamang mabawasan ang perwisyo.
Kung talagang gustong sa Maynila idaos ang APEC summit, pansamantala sanang inilipat muna ang operasyon ng mga malalaking airline companies sa Clark, Pampanga upang hindi na magkansela ng flights.
Ewan ko kung mayroon pang magkakanselang lider na dadalo sa APEC summit matapos ang nangyaring karahasan sa Paris, France kaugnay ng pag-atake ng mga terorista na daan na ang namatay.