WALA akong pakialam sa sentimyento ng mga tamporurot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Mga empleyadong nagtatrabaho sa paliparan na may paiyak-iyak pang mga nalalaman para lang makakuha ng awa at simpatya ng tao.
May mga pautot pang pink armband bilang pagpo-protesta kuno dahil nade-demonize na daw ang kanilang trabaho sa NAIA.
Pero doon sa mga nabiktima ng tanim-bala partikular yung mga overseas Filipino workers (OFW) na nakaranas kawalang-katiyakan at kawalang-pag-asa, hindi sila naaawa.
Para bang ayos lang kung naging miserable ang buhay ng mga biktima basta ang mahalaga sentimyento nila.
Ayos lang na nababalot na ngayon ng matinding takot at pangamba sa terorismo ang buong airport basta dapat pakinggan ang kanilang drama.
Ayos lang na nagdulot ng malaking kahihiyan ang tanim-bala na naging laman pa ng mga balita sa iba’t ibang mga bansa basta dapat silang kaawaan.
Nauna ko nang sinabi sa aking programang BITAG Live dapat magsalita nalang ang mga empleyado ng NAIA sa modus na tanim-bala.
Hindi ‘yung kung ano-ano pang mga kadramahan ang ipalabas nila sa harap ng mikropono at kamera.
Kilala ng mga nagta-trabaho sa airport kung sino ang mga matitino at tiwali.
Hamon ng BITAG, dapat may maghudas sa kanilang hanay nang matuldukan na ang tanim-bala. Hindi lang siya bayani sa mata ng OFW kundi maging sa buong mundo.
• • • • • •
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.