MAY punto ang mga panawagan na ipairal na ang batas militar sa National Bilibid Prisons (NBP) na ilang ulit nang may natuklasan na katiwalian at kalokohan dito.
Kamakalawa, muling nakatuklas ang mga awtoridad na naipasok ng mga preso ang mga matataas na kalibre ng baril at bala gayundin ang mga gamit sa iligal na operasyon sa droga .
Halatang-halata na nagpapatuloy ang operasyon ng iligal na droga sa loob mismo ng NBP dahil may nakita pang machine na pangbilang ng pera at iligal na droga.
Bukod dito, may natuklasan din na may mga mamahaling kagamitan tulad ng mga LED television at iba pang appliances.
Isang malinaw na mayroong problema sa mismong mga opisyal at mga tauhan ng NBP at sangkot dito ang ilan sa katiwalian.
Hindi makakaya ng mga preso na solo lang kaya may kasabwat ito sa pagpasok ng mga armas at iba pang kagamitan.
Nauna rito, nagsagawa na ng pagsalakay noon si Justice Secretary Leila de Lima at nabunyag din ang mga maluluhong pamumuhay ng mga bigtime na bilanggo.
Mayroong entertainment room, may jacuzzi na para bang nakatira sa hotel ang mga bilanggong ito at nakapagpapatuloy sa operasyon sa iligal na droga.
Wala atang nangyari sa mga naunang pagsalakay dahil naulit na naman kamakalawa at natuklasan ang mga malalakas na kalibre ng armas.
Isinusulong ng VACC na ipatupad na ang batas militar sa NBP at ang sundalo o military na ang pansamantalang magbantay upang masugpo ang talamak na katiwalian at iligal na operasyon sa loob ng bilangguan.
Panahon na siguro upang ikonsidera ang panukalang batas militar upang mapatino ang mga bilanggo at maayos ang sistema sa NBP.