PINAGMASDAN ni Nectar si Mahinhin na noon ay binabantayan ang washing machine. Marami itong nilalabhan. Wala namang kamalay-malay si Mahinhin na pinagmamasdan siya ni Nectar.
Habang pinagmamasdan si Mahinhin ay nagtatanong si Nectar sa sarili kung bakit tila napakalakas nito kay Sir Juan. Nagtataka si Nectar kung bakit solo ito sa kuwarto na dati ay hindi naman pinauupahan sa boarders. Masyadong malakas ito kay Sir Juan na parang mayroong ginawa para mapapayag na doon tumira. Hindi kaya inaalembungan nito si Sir Juan. Maganda rin kasi si Mahinhin. Slim na slim. Napaismid si Nectar, maganda rin naman siya at seksi.
Nag-isip ng paraan si Nectar kung paano makukumpronta si Mahinhin. Kailangang maipakilala niya rito na mayroon din siyang impluwensiya at mas nauna siya sa boarding house na ito.
Nilapitan niya si Mahinhin.
Naramdaman ni Mahinhin ang paglapit niya. Napalingon ito.
“Puwedeng ako naman ang gumamit ng washing machine? Kanina ka pa kasio diyan?’’
“Ha e oo. Sandali na lang ito. Matatapos na ako.’’
“Kanina ka pa nga e. Marami rin akong lalabhan. Hindi lang naman ikaw ang nakatira rito.’’
“Sorry, sandali na lang ito. Babanlawan ko na lang ito.’’
“Mahinhin nga ba ang name mo?’’
“Oo. Paano mo nalaman?’’
“Hindi na importante yun. Basta nalaman ko ang pangalan mo at dun ka pala sa room ng dating may-ari nito nakatira. Paano mo napapayag si Sir Juan?’’
Nagtaka si Mahinhin kung bakit parang pulis kung magtanong ang babaing kaharap. Pero naging mahinahon siya.
“Nakiusap ako sa kanya. Kasi wala na talaga akong matirahan. Working student kasi ako. Nag-aaral ako sa araw at nagwo-work sa gabi.’’
Nakaismid si Nectar habang nagsasalita si Mahinhin.
(Itutuloy)