EDITORYAL – Milyong pisong disaster donations, hindi ginagamit

AYON sa Commission on Audit (COA), umaabot sa P384-milyong donasyon para sa mga nasalanta ng bagyo o kalamidad ang nananatiling nasa kamay ng Office of Civil Defense (OCD) at hindi ginagamit para sa kapakanan ng mga biktima. Sa halip umanong gamitin o ipamahagi ang pera, nananatili itong nasa banko. Mula pa umano noong 2008 ay hindi nagagamit ang pera at lalong nadagdagan nang bumuhos ang donasyon para sa mga biktima ng Yolanda noong Nobyembre 8, 2013. Nakadeposito umano ang pera sa Development Bank of the Philippines (DBP) at lumolobo ang interest.

Sa halip na mapakinabangan ng mga biktima ng bagyo, lindol, baha at iba pang kalamidad ay nananatili lamang sa banko ang perang donasyon. Ayon sa COA, nakapag-released lamang ang OCD ng P38,755 million noong Disyembre 2014. Sabi pa ng COA, wala raw plano o anumang balak ang OCD na gamitin ang pera.

Nakagugulat ang report ng COA na sa kabila na maraming pera para gamitin sa kapakanan ng mga nasalanta ng bagyo at lindol ay nakatago lamang. Ano ang gagawin sa donasyong ito na lumulobo na dahil sa interes? Bakit hindi gamitin sa mga kawawang biktima? Halimbawa’y sa mga biktima ng Yolanda. Sa Nobyembre 8 ay gugunitain ang ikalawang taon nang pananalasa ng bagyo. Hanggang ngayon, marami pa rin sa mga biktima ang naninirahan sa bunkhouses at mayroon pa rin umano sa mga tent. Bagama’t may mga naitayong bahay ang gobyerno wala namang tubig at kuryente roon. Kaawa-awa ang kalagayan ng mga nawalan ng tahanan na umaabot sa 890,895 pamilya. Mahigit 6,000 ang namatay sa bangis ni Yolanda.

Maraming bansa ang nagpadala ng tulong sa Pilipinas na umabot sa P73.31 billion. Pero ang nakapagtataka, sa kabila na maraming tulong na dumating, mabagal ang recovery ng mga biktima ng Yolanda. Hindi umuusad ang kalagayan at patuloy ang paghihirap. Kulang sila sa pangangailangan.

Ngayong nabuking ng COA ang milyong piso na nasa kamay ng OCD, dapat na itong gamitin para lubusang mahango sa paghihirap at pagdadalamhati ang mga biktima ng kalamidad.

Show comments