KUNG tutuusin, hindi na bago iyong napabalitang ulat nitong nagdaang linggo hinggil sa deklarasyon ng International Agency for Research on Cancer ng World Health Organisation na nagdudulot ng sakit na kanser ang mga processed meat gaya ng sausage at ham at malamang din daw na mga red meat. Marami nang taong may kumakalat na mga ulat hinggil dito na maging sa social media tulad sa Facebook ay mababasa ito at maririnig din sa payo ng mga duktor at health expert. Naging malaking balita muli lang ito ngayon dahil ang WHO na ang nagsabi.
Sabi nga ng IARC, tinipon nito ang ginawang pagrepaso sa mahigit 800 pag-aaral sa kaugnayan ng pagkain ng red meat (mga karneng tulad ng sa baboy, baka, mutton, kambing, usa, at kabayo) sa kanser. Partikular na binabanggit sa pag-aaral na tinipon ng 22 eksperto mula sa 10 bansa ang kanser sa colon, pancreas, prostate at rectum.
Sinusuportahan ng report ang mga rekomendasyon na limitahan lang ang pagkain ng naturang mga karne. Kung batay umano sa estadistika, “maliit” lang umano ang peligrong magkaroon ng kanser sa pagkain ng processed meat pero lumalaki ang panganib habang dumarami ang kinakaing processed at red meat. “Bawat 50 gramo (1,8 ounce) na bahagi ng processed meat ay nagdadagdag ng 18 porsiyentong panganib na magkaroon ng colorectal cancer ang isang tao, ayon sa isang opisyal ng IARC na si Kurt Straif.
Kabilang din sa mga processed meat ang mga sausage, hotdog, corned beef, dried meat na tulad ng beef jerky o South African biltong, de latang karne at mga sawsawang may lahok na karne.
Sinabi pa ng ahensiya na ang mga processed meat ay kahalintulad din ng usok ng sigarilyo at asbestos na nagdudulot ng sakit na kanser.
Siyempre, masakit na balita ito sa mga mahihilig sa mga hotdog at sausage lalo na sa mga nagnenegosyo sa mga processed meat at sa mga manggagawang dito kumukuha ng kabuhayan. Malaki ang negatibong epekto sa kanila kung ihihinto sa buong mundo ang pagkain ng ganitong mga karne. Kaya marahil inirerekomenda na lang sa mga pag-aaral na limitahan ang pagkain ng mga read meat at gumawa ng kaukulang hakbang ang mga pamahalaan. Kakatwa lang na sinasabing masama sa kalusugan ang naturang mga karne pero hindi opisyal na ipinagbabawal ng mga kinauukulan.
Pero, ayon sa pahayag ng Department of Health, hindi na kailangang ipagbawal ang mga processed meat. Kailangan lang umano na balanseng pagkain tulad ng dapat meron ding kinakaing masusustansiyang pagkain tulad ng gulay dahil kailangan din ang karne sa pagpapalakas ng katawan.