SA South Korea ay maraming nagsu-suicide --- nasa 40 tao araw-araw! Patuloy pang tumataas ang mga nagpapakamatay doon kaya isang paraan ang naisip ng Seoul Hyowon Healing Center – pahihigain sa kabaong na kahoy ang pasyente at saka ikakandado. Ang “death experience” na ito ay makatutulong sa mga pasyente para ma-appreciate na masarap pala ang mabuhay at dapat itong ipagpasalamat.
Naniniwala ang Seoul Hyowon Healing Center na sa naisip nilang treatment ay mababawasan ang mga nagpapakamatay. Ayon sa mga eksperto, kaya maraming nagpapakamatay sa South Korea ay dahil sa super-competitive atmosphere doon. Ang masyado raw mataas na competition ay nagdudulot ng depression at humahantong sa pagpapakamatay.
Ang mga participants ay kinabibilangan ng mga estud-yanteng may problema sa pamilya at school at mga taong ang problema ay pera. Mayroon ding mga matatandang magulang na nade-depressed kung ano ang mangyayari sa kanilang buhay lalo’t nagiging pabigat sila sa mga anak.
Ang participants ay pagsusuutin ng puting robes at saka hihiga sa kabaong. Sa tabi ng kabaong, ay may maliit na desk na may ballpen at papel.
Habang nakahiga sa kabaong, magsasalita si Jeong Yong-mun, dating funeral worker na ngayon ay pinuno ng healing center.
Marahang ipinaliwanag ni Jeong na dapat tanggapin at harapin ang problema bilang bahagi ng buhay at sikaping humanap ng kasiyahan kahit sa pinakamahirap na sitwasyon.