KARAMIHAN sa ating mga kabataan hindi naranasan ang lupet ng Batas Militar o Martial Law.
‘By virtue of the powers vested in me, I Ferdinand Edralin Marcos do hereby declare Proclamation 1081, putting the entire nation in Martial Rule,’ natatandaan kong sinabi ni Apo Ferdie nung September 21, 1972.
Kung hindi nagkaroon ng PEOPLE’S POWER nung Pebrero at napuno ang EDSA, malamang hindi pa tayo Malaya na makakabasa ng mga pahayagan at lahat ng TV at Radio Station ang gobiyerno ang nagpapatakbo..
Marami ring ikinulong at pinatay ng mga military nung mga panahon iyon at mga dinukot at nawalang mga aktibista na tinagurian ‘Los Desparecidos’.
Matagal nang nasa pamamahalang demokratiko ang Pilipinas. Mula 1986 subalit marami pa rin sa amin ang hindi makalimutan ang maitim na mga taon ng Martial Law.
Muling umingay ang usapan tungkol sa Martial Law at mga Marcos nang magpahayag ng pagtakbo bilang pangalawang Pangulo ng bansa si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na anak ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
Marami ang nagsasabing maganda ang pamamalakad nung rehimeng Marcos. Mas umangat ang halaga ng piso.
May mga tao naman na hindi sang-ayon sa pag-upo ng isang Marcos sa mas mataas na posisyon. Ito ay dahil sa takot na din na maranasan ulit ng mga tao ang bigla na lang mawala ang kanilang mga mahal sa buhay.
Baka maulit ang Martial Law kahit pa sabihin mong sa libro at internet na lang nababasa ng kabataan ang kasaysayan nito. Pero sa mga nakaranas ng Martial Law, sariwa pa sa kanilang mga isipan ang hirap ng dinanas nila.
Isa sa nagpahayag ng kanyang opinyon tungkol dito ay ang mismong Presidente ng Pilipinas na si Benigno “PNoy” Aquino III.
Hindi daw nakikita ni PNoy na muling mabubuhay ang pagsuporta ng publiko sa mga Marcos. Ang hakbang daw na ito ni Bongbong ay para sa paghahanda sa pagtakbo bilang Pangulo sa taong 2022.
“May tiwala ako sa aking mga boss. Walang nakapagbago sa aking paniniwala na kaya nilang umintindi,” ayon kay PNoy.
Hiling niya din ay sana huwag hayaan ng mga Pilipino na muli nilang maranasan ang pamumuno ng isang diktador.
Sagot ni Bongbong nakalimutan na siguro ng mga tao ang Martial Law dahil ibinoto sila ng mga ito.
Ang dalawang Pamilyang ito ang mahigpit na naglalaban sa politiko lalo pa’t umingay ang usapan noon na ang mga Marcos ang utak ng pagkakapatay kay Ninoy.
Kailangan daw mag move-on ni Aquino.
“Iyon ang kanyang opinyon. Ang amin namang ginagawa ay di naghahabol ng puder kundi ipinagpapatuloy lang ang aming serbisyo sa bansa. Kaya’t di yun ang isyu para sa amin kaya di namin iniisip ang ganoon klaseng pagbalik sa puder. Ang iniisip lang namin ay anong magagawa natin para maging mas maganda ang buhay sa atin,” ayon kay Marcos.
Ang pinakamakapangyarihan sa puntong ito ay ang mga taong bayan na boboto kung sino ang gusto nilang mamahala sa bansa.
Hindi mo masasabing ang ginawa ng ama ay gagawin din ng anak pero ang anak ay hindi rin imposibleng gawin ang nagawa ng kanyang mga magulang.
Sa mata ng publiko walang basta makakaalpas. Ang pamamahala nila sa sarili nilang lungsod ang pwedeng maging gabay kung anong uri ng pamumuno meron ang mga Marcos.
Pulitika ang mundong ginagalawan ng parehong pamilyang ito at kahit anong gawin mo hindi ka makakarinig basta-basta ng pagpuri sa magkabilang partido.
Ang pinakapunto ni P’noy ay nakalimot na ba tayo at napatawad ang mga Marcoses, gaya ni Imelda na andyan pa rin na hindi man lang humingi ng tawad sa ating bayan? Sa ating mga kababayan na naperwisyo nito? Wala bang ganun?
PARA SA ANUMANG REAKSIYON, sa mga biktima ng krimen o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.