Paniking kamukha ni Master Yoda ng Star Wars
NAPANOOD n’yo ba ang pelikulang Star Wars? Sa pelikulang ito unang nakita si Jedi Master Yoda.
Pero alam n’yo bang kahawig ni Master Yoda ang isang bagong species ng paniki (tube-nosed fruit bat) na natagpuan sa Papua New Guinea? Marami ang nagulat at nanggilalas nang matagpuan ang paniki sapagkat malapit na malapit ang itsura sa Star Wars character. Dahil sa pagkakahawig, tinawag itong Yoda Bat.
Natagpuan ang Yoda Bat sa rainforest. Bukod sa paniki, natagpuan din ang iba pang bagong species ng gagamba na kulay orange at isang palaka na may spot na dilaw sa katawan.
Mahigit 200 species ng hayop at halaman ang nadiskubre sa kagubatan ng New Guinea.
Unggoy na kamukha ng kuwago
KUNG sa New Guinea ay may kagila-gilalas na paniki, mayroon namang kagila-gilalas na itsura ng unggoy sa kagubatan ng Democratic Republic of Congo. Ang bagong species ng unggoy ay tinawag na Cercopithecus Lomamiensis o Lesula.
Namangha ang mga scientist nang makita ang unggoy sapagkat kahawig ito ng kuwago. Kakaiba umano ang itsura ng unggoy sapagkat kulay pink ang mukha at may malambot at madulas na balahibo.
Ito umano ang ikalawang pagkakataon na nakadiskubre ng unggoy sa loob ng 28 taon.
Palakang kamukha Ni Pinnochio
Aksidente lamang pagkakadiskubre sa palakang kamukha ni Pinnochio. Nagtago ang palaka sa sako ng bigas kung saan ay mayroong hikers na nagka-camp sa lugar.
Nagkataon din na ang nakakita sa palaka ay ang herpetologist na si Paul Oliver ng Australia. Nagkainteres si Paul at inalagaan ang palaka. Sa pag-asang makakakita pa ng kasamahan, naghintay pa si Paul subalit wala na siyang nakita. Teorya ni Paul, sa itaas ng kahoy naninirahan ang palakang kamukha ni Pinnochio.
Ganunman, patuloy na pinag-aaralan ang bagong specie ng palaka.