NAKATANGGAP ng tawag ang pulis Miami na si Officer Vicki Thomas tungkol sa isang babae na nagsa-shoplift sa isang supermarket.
Agad nagtungo sa Publix supermarket si Thomas at nalaman niya na isang ina na may tatlong anak ang nag-shoplift ng pagkain na nagkakahalaga ng $300. Ang babaing shoplifter ay nakilalang si Jessica Robles.
Nang tanungin ni Thomas si Robles kung bakit niyang naisipang magnakaw ng pagkain sa supermarket, sinabi nito na wala silang pagkain sa bahay at nagugutom ang kanyang tatlong anak.
Pagkaraang ma-verify ni Thomas na walang criminal history si Robles, inisyuhan niya ito ng notice na mag-appear sa korte. At pagkatapos niyon ay nagbalik ang policewman sa Publix supermarket at bumili siya ng $100 worth of groceries para sa mag-ina.
Nang tanungin ng mga mamamahayag si Thomas kung bakit naisipan nitong ipag-grocery pa si Robles, sabi niya: “Nagdesisyon akong ipag-grocery siya kaysa arestuhin sapagkat hindi masosolb ang problema nang pagkagutom na nararanasan ng kanyang pamilya.’’
Naging viral ang story ni Thomas at ang mga tao sa South Florida ay handang tumulong kay Robles.
At hindi pa roon nagtapos sapagkat isang tao ang tumawag at nagsabing bibigyan niya ng trabaho si Robles. Sabi ni John Challner ng phonedoctor.com bibigyan niya ng trabaho si Robles para sa customer service. Tuwang-tuwa si Robles.