SA panahon ngayon ng digital age, naging bahagi na ng araw-araw na buhay natin ang password. Kailangan ang password tuwing magbubukas ka ng email, ng account mo sa facebook o sa ibang social networking site, sa mga private account sa ibang website. Password ding maituturing ang PIN sa mga atm card. Kahit ang mga computer ay ginagamitan din ng password para maproteksyunan ang iniingatang mga files ng mga gumagamit nito.
Pero kahit ang mga password ay maaari ring mabuksan ng mga hacker.
Bukod sa password, meron pa bang ibang paraan para mapangalagaan ang isang email account halimbawa?
Iniulat kamakalawa ni Deborah Todd sa Reuters ang isang hakbang ng Yahoo na tanggalin na lang ang mga password at palitan ito ng tinatawag na Yahoo Account Key.
Ang mga gumagamit ng Yahoo mail sa iOS at Android smartphone ay maaaring makagamit ng Yahoo Account key. Ginagamit umano nito ang smartphone para maberipika ang identidad ng isang taong nagbubukas ng isang email account. Ito umano ang kapalit ng tradisyunal na password.
Ayon sa ulat, hindi na kailangang gumamit ng password sa paggamit ng Account Key para makapagbukas ng email sa Yahoo. Sa halip, magpapadala ang Account Key Service ng mensahe sa smartphone na nakakonekta sa email account. Sa pag-‘tap’ sa yes o no, matutukoy kung awtorisado o hindi ang nagbubukas ng account. Kapag nanakaw o nawala ang smartphone, mabeberipika ng mga user ang identity sa pamamagitan ng email o text message na ipapadala sa alternatibong account at number.
Kaso, paano iyong mga walang smartphone o iyong walang kakayahang magkaroon ng ganitong klase ng telepono? Hindi malinaw kung maaari silang makagamit ng Yahoo Account Key. Wala pang ulat kung anong reaksyon dito ng iba tulad ng Google at Hotmail. Siguro, kung kukuwela ang pakulong ito ng Yahoo, baka gayahin siya ng iba.. Pero, may nagkomento na matatagalan pa bago mawala ang sistema ng paggamit ng password.