MARAMOT ang napangasawa ng aking tiya. Obserbasyon ng iba naming kamag-anak, nahawahan na rin sa karamutan ang aking tiya ng kanyang napangasawa. Dedma lang siya kapag pinagdadamutan kami ng aking tiyo.
Isang araw ay naka-schedule operahan ang aking tiya. Pinakiusapan niya ang iba kong pinsang babae na maging caregiver niya habang nasa ospital, pero lahat ay tumanggi. Sa loob ng kalahating buwan niyang confinement sa ospital, kami ng aking kapatid ang matiyagang nag-alaga sa kanya. Simula noon ay naging mabait na siya at nagkaroon ng malasakit sa aming magkakapatid.
Naging mapagbigay na siya sa amin—pera at pagkain. Pero kailangan niyang ilihim dahil pagagalitan siya ng aking tiyo. Minsan ay nangailangan ako ng malaking halaga. Inalok ko ang aking tiya na isasanla ko sa kanya ang farm na pag-aari ng aking ina. Hindi pumayag ang aking tiyo, dahil hindi raw nila priority iyon. Sa kabila ng pagtutol ng aking tiyo ay nag-withdraw ng pera ang aking tiya sa banko para ibigay sa akin. Walang nagawa ang aking tiyo dahil magkahiwalay ang pera nilang mag-asawa sa banko.
Sayang at namatay na siya nang natapos ang renovation ng aming bahay. Pangako ko noon ay sa aming bahay ko siya patitirahin. Naunang namatay ang aking tiyo kaya nag-isa na siyang namuhay sa probinsiya. Ang nangyari sa aming magtitiya ay tipikal na halimbawa ng “kindness begets kindness”. Lumabas ang kanyang kabutihan matapos naming siyang alagaan sa ospital. Kung nakahahawa ang kasamaang ugali, posible rin na nakahahawa ang kabaitan.